Nagtamo ng mga galos sa katawan ang 48 pasahero ng bus, kabilang ang driver at konduktor, matapos itong tumagilid dahil sa bilis ng takbo sa Makati City, nitong Huwebes ng gabi.
Isinugod ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) rescue team ang mga biktima sa magkakahiwalay na ospital upang malapatan ng lunas.
Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera ng MMDA Metro Base, bandang 9:00 ng gabi nangyari ang insidente sa southbound lane ng EDSA-Estrella ng nasabing lungsod.
Minamaneho ni Mark Angara ang unit ng RRCG Bus Transport nang bigla itong mawalan ng preno at tuluyang nawalan ng balanse ang sasakyan dahil sa bilis ng takbo hanggang sa tumagilid.
Nagdulot naman ng matinding trapiko sa EDSA ang aksidente. (Bella Gamotea)