PARA kay Yasmien Kurdi, pinakamasaya ang 28th birthday niya nitong Miyerkules, January 25.
Bakit nga naman hindi, magtatapos ngayong araw ang drama series niyang Sa Piling ni Nanay na na-maintain ang mataas na rating simula nang umere ito seven months ago. Bukod dito, muli siyang pumirma ng exclusive contract sa GMA Network.
Pabiro ang sagot ni Yasmien nang tanungin kung ilang taon ang contract niya. Maraming-maraming taon daw, dahil gusto niyang kahit lola na siya ay nasa showbiz pa rin siya.
January 25 din ang 5th civil wedding anniversary nila ng pilot husband niyang si Rey Soldevilla. Gayunpaman, eleven years na pala silang magkasama ng asawa. Wala si Rey dahil may flight ito papuntang Saigon, Vietnam -- at umaga pa ng January 26 sila magkikita at saka raw sila magsi-celebrate. Pinaghahandaan na rin nila ang kanilang church wedding.
Ano ang sekreto ng 11 years nang pagsasama nila ni Rey?
“Trust lang po at space,” nakangiting sagot ni Yasmien. “Tuwing may flight siya, nagmamadali siyang umuwi, sabik siyang umuwi para makita niya agad kami ng anak naming si Ayesha, who’s now four years old. Sabik din siya ng lutong bahay na iniluluto ko para sa kanya.”
Ayaw pa nilang sundan si Ayesha dahil medyo mahirap siyang magbuntis at manganak. Isa pa, mahirap daw na wala siyang kasambahay, kahit pa sinabi ng anak nila na hindi na niya kailangan ang yaya.
Kinulit namin si Yasmien kung paano matatapos ang Sa Piling ni Nanay, ano ang mangyayari sa mortal niyang kalaban na si Scarlet (Katrina Halili)? Sino ang makakatuluyan niya? Ikinuwento naman ng aktres ang mga mangyayari, mamaya pero ayaw namin kayong i-preempt, mas magandang mapapanood natin, simula 4:15 PM sa GMA-7.
Ano ang mami-miss ni Yasmien sa kanilang drama serye?
“Mami-miss ko po ang sapakan namin ni Scarlet. Pero mas naging close kami ni Katrina, kahit minsan ay nagkaroon din kami ng hindi pagkakaintindihan sa set, pero iyon ang mas lalong naglapit sa amin. Hindi na siguro mabubuwag ang samahan naming graduates ng first batch ng Starstruck dahil buo pa rin kami kahit pare-pareho kaming busy, nakakakuha kami ng time para magsama-sama.” (NORA CALDERON)