Sa unang pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs sa kidnap-slay sa negosyanteng Korean na si Jee Ick-joo kahapon, nagturuan sina SPO3 Ricky Sta Isabel at Supt. Raphael Dumlao kung sino ang pumaslang sa dayuhan sa loob mismo ng Camp Crame.

Itinanggi ni Sta. Isabel na kasama siya sa dumukot kay Jee sa Angeles City, Pampanga noong Oktubre 18, 2016 kahit pa positibo siyang kinilala ng kasambahay ng biktima na si Marisa Morquicho, na dumalo rin sa pagdinig.

Kasamang dinukot ni Jee, sinabi ni Morquicho na pinakawalan siya ni Sta. Isabel at binigyan pa ng P1,000 pasahe.

Kinumpirma naman ito ni Sta. Isabel at sinabing inatasan siya ni Dumlao na patayin ang kasambahay pero naawa siya kaya pinakawalan niya ito.

National

'Walang atrasan!' 2 senador, sinigurong tuloy ang impeachment trial sa Hunyo 11

Iginiit pa ni Sta. Isabel na nakita niya nang patayin ni Dumlao si Jee, taliwas sa naunang testimonya ni SPO4 Roy Villegas na nagsabing si Sta. Isabel ang pumatay sa Korean sa pamamagitan ng pagsakal.

Tinangka pa ni Sta. Isabel na kumbinsihhin ang komite na ipalabas ang “recorded conversation” ni Dumlao at ng asawa niyang si Jinky pero hindi ito pinayagan ng komite.

Itinanggi naman ni Dumlao ang lahat ng akusasyon ni Sta. Isabel at paulit-ulit na sinasabing hindi niya alam ang akusasyon sa kanila.

Nasa pagdinig din ang asawa ni Jee na nagsabing mananatili siya sa Pilipinas para masubaybayan ang kaso ng kanyang asawa.

Pinayuhan naman ni Senator Panfilo Lacson, chairman ng komite, si Philippine National Police (PNP) Director General Ronald “Bato” dela Rosa na agad magsagawa ng “internal cleansing” sa hanay ng pulisya upang manumbalik ang tiwala ng sambayanan sa mga pulis.

Dagdag ng senador, na dating PNP chief, hindi isolated case ang nangyari kay Jee, dahil marami siyang hawak na reklamo ng “tokhang-for-ransom”.

Sinabi ni Lacson na hindi pa huli ang lahat at ang kailangan lamang ay tutukan ni Dela Rosa ang kanyang mga ginagawa.

(Leonel M. Abasola)