Target ng Philippine National Police (PNP) at ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang “zero incident “ sa Miss Universe 2017 Coronation sa Enero 30.

Nagsagawa kahapon sina NCRPO Regional Director Oscar D Albayalde, Southern Police District (SPD) Director, Chief Supt. Tomas Apolinario Jr. at iba pang matataas na opisyal, ng roof-to-ground inspection at dry run ng security deployment sa SM Mall of Asia Arena, ang venue ng Miss Universe 2017 pageant sa Lunes.

Sa naturang dry run, kumpletong naisagawa ang mga iniatas na hakbangin at maging ang wastong pagtatalaga sa mga pulis na magpapatupad ng seguridad.

Tulad ng naunang matatagumpay na security coverage ng NCRPO sa iba’t ibang okasyon, tiniyak ni Albayalde na magiging matagumpay ang Miss Universe.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Aniya, ang NCRPO katuwang ang iba pang mga ahensiya ng gobyerno ay magbibigay ng 100% na kasiguruhan sa “zero-incident” sa Miss Universe 2016.

Kumikilos na ang Security Task Force “Miss Universe 2017” ng NCRPO na magbibigay ng seguridad sa mga ruta, billet at venue ng lahat ng kalahok at delegado sa buong panahon ng pageant.

Ibinunyag din ni Albayalde na walang direktang banta sa panahon ng Miss Universe subalit hindi, aniya, nagkakampante ang pulisya lalo na’t nagbigay na siya ng direktiba sa lahat ng police officers na maging alerto sa lahat ng oras sa mga pampublikong lugar.

Nanawagan din siya ng kooperasyon ng publiko upang maging tagumpay ang event at upang mapigilan ang anumang krimen at banta ng terorismo. (Bella Gamotea)