CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga – Tinutugis ngayon ng Tarlac Police Provincial Office (TPPO) ang isang intelligence officer ng National Bureau of Investigation (NBI) na bumaril at nakapatay sa kasamahan nito sa ahensiya sa loob ng sabungan sa Capas, Tarlac, nitong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ni Police Regional Office (PRO)-3 Director Chief Supt. Aaron N. Aquino, ang napatay na si Lavernie Vitug, 53, security officer ng NBI-Tarlac at taga-Barangay San Sebastian, Tarlac City, habang ang suspek ay si Boy De Castro, intelligence officer ng NBI-Manila, ng Concepcion, Tarlac.

Sa kanilang report kay Aquino, sinabi ng TPPO, na pinamumunuan ni Senior Supt. Westrimundo Obinque, na nakita ang suspek at ang biktima na nagtatalo sa loob ng Triple 888 Cockpit Coliseum makaraang kumprontahin ni De Castro si Vitug sa pagsasabong habang suot ang NBI uniform, bandang 6:20 ng gabi nitong Miyerkules. (Franco G. Regala)

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito