MAKATUTULONG ang meditation sa pagtugon ng katawan sa mga nakaka-stress na sitwasyon, ayon sa bagong pag-aaral na mahigpit na sumuri sa epekto ng gawaing ito sa pisyolohiya ng tao kapag sila ay nape-pressure.

Sa pag-aaral, sumailalim ang mga taong may anxiety disorder sa walong linggong course sa mindfulness meditation, at natuto silang magpokus sa kasalukuyan at tanggapin ang mahihirap na naiisip o nararamdaman. Pagkatapos ng course, napag-alaman ng mga researcher na nagpakita ang mga kalahok ng mas mababang level ng stress hormones at markers of inflammation sa isang stressful event, kumpara pagtugon ng kanilang katawan bago sila sumailalim sa kurso.

Higit sa lahat, nagkaroon din ng comparison group ang pag-aaral ng mga taong kumuha ng course sa stress management ngunit hindi nag-meditate. Hindi nagpakita ang mga kalahok ng kaparehong pagbaba ng level ng stress hormones at markers of inflammation matapos sumailalim sa kanilang course, ayon sa resulta na inilathala nitong Martes sa journal na Psychiatry Research.

“Mindfulness meditation training is a relatively inexpensive and low-stigma treatment approach, and these findings strengthen the case that it can improve resilience to stress,” saad sa pahayag ng study researcher na si Dr. Elizabeth A. Hoge, associate professor sa psychiatry ng Georgetown University Medical Center sa Washington, DC.

National

PBBM, pinahahanap student athletes na nag-wacky ng mukha sa speech niya

Natuklasan sa mga nauna nang pag-aaral na may psychological at physical health benefits ang mindfulness mediation at ang ginagamit na ito ng ibang therapists para gamutin ang mga taong may anxiety. Gayunman, marami nang naunang pag-aaral tungkol sa meditation ang nagkumpara sa mga grupo ng tao na nag-meditate sa mga taong hindi nagsasagawa nito.

Nangangahulugan na ang benepisyong makikita sa meditation sa pag-aaral ay maaaring dahil lamang sa placebo effect, ayon sa mga awtor ng bagong pag-aaral.

Placebo effect ang resulta kapag naramdaman ng mga tao na gumagana ang treatment sa kanila, sa halip na ang physiological effect ng treatment.

Sa bagong pag-aaral, ang 89 na kalahok na dumaranas ng generalized anxiety disorder (GAD) ay sumailalim sa mindfulness meditation course o stress-management education course. Kabilang sa course ang pag-aaral sa mga pamamaraan kung paano mababawasan ang stress sa pangkabuuang kalusugan at pangangatawan, tulad ng tamang nutrisyon, sleep habits at time management.

Bago ang kurso at pagkatapos nito, sumailalim ang mga kalahok ng laboratory test na sadyang dinisenyo para makaramdam ng stress ang tao. Itinalaga sila para magtalumpati sa harap ng “evaluators” na nakasuot ng puting coat, pagkaraan ng ilang minuto lamang na paghahanda, at sumailalim sa mental arithmetic. Kinolekta ng mga researcher ang blood samples bago at matapos ang test, sinuri ang kanilang dugo para sa ilang biological markers ng stress, kabilang ang stress hormone na adrenocorticotropic hormone (ACTH),pati na rin ang IL-6 AT TNF-alpha, na markers ng inflammation.

Pagkatapos ng course, ang mga kalahok sa meditation group ay nagpakita ng bumabang level ng ACTH, IL-6, at TNF-alpha sa stress test, kumpara sa level bago sila sumailalim sa kurso. Ang pagkakaiba, nagpakita ang mga kalahok na sumailalim ng stress management education course ng mas mataas na level ng mga naturang marker sa pangalawang stress test, kumpara sa una. Iminumungkahi ng resulta na mas naging balisa ang mga kalahok nang sumailalim sila sa test sa ikalawang pagkakataon.

Iminumungkahi ng resulta na ang mindfulness mediation ay estratehiya na maaaring makatulong upang mapababa ang biological stress reactivity ng mga taong may anxiety disorder, ulat ng researchers.

Inilahad ng mga siyentista na dapat tingnan ng mga susunod na pag-aaral ang epekto ng meditation sa “real life” stress, sa halip na stress lamang na ginawa sa lab experiment. (Live Science)