Umaasa ang gobyerno ng Pilipinas na ipagkakaloob ng Amerika ang kahilingan nito na alisin ang Communist Party of the Philippines (CPP) founding chair na si Jose Maria Sison sa listahan ng international terrorists upang maisulong ang usapang pangkapayapaan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ang kahilingan para sa delisting kay Sison ay alinsunod sa hangarin ni Pangulong Duterte na makipagkasundo sa pamunuan ng lokal na komunistang grupo.

“The government maintains its position that there is no reason for the US to deny this request bearing in mind that Mr. Sison is part of the negotiating panel,” sinabi ni Abella sa news conference sa Palasyo.

Sinabi ni Abella na bilang bahagi ng peace agenda ng pamahalaan, isasagawa nito ang lahat ng kinakailangang hakbang upang matiyak na ang kasunduan ay “inclusive, comprehensive and integrated” sa mga kinauukulang kalahok sa negosasyon at sa pagsasakatuparan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Isinusulong ng government peace panel ang delisting kay Sison sa US terror list “to pave the way for his homecoming without being arrested.” Bahagi ito ng mga rekomendasyon ng government panel na natamo sa pakikipag-usap sa National Democratic Front (NDF) na isinagawa sa Rome, Italy.

Kapag natanggal na siya sa terror list, sinabi ni Labor Secretary at GRP chief negotiator Silvestre Bello III na maaari nang sumali si Sison sa panels ng mga susunod na pag-uusap saan man sa labas ng Europe.

Nagpahiwatig si Bello na posibleng isagawa ang pag-uusap sa Pilipinas.

Humingi ng asylum sa Netherlands si Sison tatlong dekada na ang nakararaan nang kanselahin ng pamahalaan ang kanyang passport. Kapag umalis sa Netherlands, hindi na siya makakapasok pang muli sa Europe. (Genalyn D. Kabiling)