Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Maihahambing ang Kaharian ng Diyos sa paghahasik ng isang tao ng buto sa lupa. Tulog man siya o gising, sa gabi o araw, sumisibol ang binhi at lumalago nang hindi niya namamalayan. Nagbubunga ang lupa sa ganang sarili nito: una’y ang usbong, saka ang uhay at ang butil na humihitik sa uhay. At kapag nagbunga na ito, agad siyang magpapadala ng karit sapagkat sumapit na ang anihan.”

At sinabi niya: “Sa ano natin maikukumpara ang Kaharian ng Diyos? Sa anong talinhaga natin ito maipakikilala?

Natutulad ito sa paghahasik ng buto ng mustasa na pinakamaliit sa mga binhing inihahasik sa lupa. Ngunit pagkahasik nito, tumataas ito at lumalaki na higit pa sa lahat ng gulay at nagsasanga nang malaki hanggang sumilong sa kanyang lilim ang mga ibon ng Langit.”

Itinuro niya sa kanila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga talinhagang gaya nito ayon sa kakayahan ng kanilang isipan. Hindi siya nagturo sa kanila nang hindi gumagamit ng mga talinhaga. Ngunit nilinaw niya ang lahat sa kanyang mga alagad nang sila-sila na lamang.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

PAGSASADIWA:

Sumisibol ang binhi at lumalago nang hindi niya namamalayan.—Sigurado ang pagsibol, pag-ugat, paglago, at pamumunga ng Kaharian ng Diyos. Kalimitan nga hindi natin namamalayan, nilalasap na pala natin ang bunga nito. Maliit, hindi pansin ang pasimula. Pero nakagugulat ang paglaki. Hindi maitatanggi, Diyos lamang ang may kagagawan nito.

Naghahari na ang kalooban ng Diyos sa puso ng mga tunay na sumusunod sa kanya. Naghahari rin ang Diyos sa mga taong may mabubuting kalooban. Hindi plano o kontrolado ng tao. Tumatagos at nakalulusot sa hangganan ng paniniwala, lipi, wika, kultura, bansa, gulang, kasarian, trabaho, at iba pa. Tumutulay sa kabila ng gulo at alitan. Tumatanggap, yumayakap. Saan patungo ito? Sa pagbubukás ng posibilidad na maging isa ang sangkatauhan sa ilalim ng maamong paghahari ng Diyos.