PALIBHASA’Y may matayog na pagpapahalaga sa pagtuturo o teaching profession, hinikayat ko ang aking mga kamag-anak na bumalik na sa Pilipinas upang gamitin ang kanilang pinag-aralan bilang public school teachers. Sila, kasama ang iba pang mga kamag-aral, na pare-parehong licensed teachers, ay bahagi ng overseas Filipino workers (OFWs) na nakipagsapalaran sa iba’t ibang bansa upang humanap ng magandang kapalaran, halos dalawang dekada na ang nakalilipas.

Ang dalawa sa aking kamag-anak ay nasa Hong Kong samantalang ang dalawang iba pa ay nasa Middle East at kapwa namamasukan bilang mga kasambahay. Napilitan silang mangibang-bansa dahil sa mahigpit na pangangailangan; dahil sa kakulangan ng kakayahan ng nakalipas na mga administrasyon na lutasin ang matinding problema sa kawalan ng hanapbuhay sa bansa. Napilitang isakripisyo ang kaunting ari-arian para sa recruitment fees.

Malugod kong ibinalita sa kanila ang panawagan ng Duterte administration, sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DoLE), na naglalayong mabigyan ng disente at kapaki-pakinabang na trabaho ang mga OFW sa pagbabalik nila sa bansa. Magiging bahagi sila ng reintegration program ng DoLE na tatawaging “Sa ‘Pinas, Ikaw ang Ma’am/Sir”.

Sapagkat sila naman ay pasado na sa Licensure Examination for Teachers at may karanasan na rin sa pagtuturo, natitiyak ko na sila ay kaagad tatanggapin ng Department of Education (DepEd) bilang mga guro.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Subalit tila hindi tumalab ang aking panghihikayat sa aking mga kamag-anak. Binigyang-diin nila na hindi nila kikitain sa Pilipinas ang mga suweldo at iba pang biyaya na tinatanggap nila sa kani-kanilang pinapasukan. Labis na umano ang kanilang kasiyahan sa paminsan-minsang pagkikita namin kung sila ay dumadalaw sa bansa; kontento na sila sa pagiging mga kasambahay.

Pinatindi ko ang panghihikayat sa aking mga kamag-anak. Pinarating ko ang paniniyak ng gobyerno tungkol sa pagkakaloob sa kanila ng permanenteng posisyon na may mataas na salary grade para sa mga guro, lalo na kung kaagad nilang makukumpleto ang mga requirements. Magiging kaagapay sa pagbibigay ng ganitong kaluwagan ang National Reintegration Center for OFWs na nasa ilalim ng DoLE. Magiging kaagapay nito ang DepEd, Professional Regulation Commission... (PRC), Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Philippine Normal University (PNU). Ang nasabing programa ang pinanggagalingan ng maiinam na public school teachers na kailangan ng DepEd.

Ipinagdiinan ko ang makabuluhang mga impormasyong ito sa aking mga kamag-anak. Idinugtong ko na ang pagiging guro ang itinuturing na ‘most honorable profession’. Subalit tila taas-noo nilang ipinahiwatig: Marangal din ang pagiging mga kasambahay. (Celo Lagmay)