DALAWANG taon ang nakalipas makaraang mapatay ang 44 na Special Action Force (SAF) commando ng Philippine National Police (PNP) sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao, muli itong itinatampok sa mga balita matapos ihayag ni Pangulong Duterte na ipinag-utos niya ang pagbuo ng isang independent commission upang magsiyasat sa insidente.
Kasabay nito, noong Martes, ay naghain ang mga state prosecutor sa Sandiganbayan ng mga kasong usurpation of authority at graft laban sa nasibak na si PNP Director General Alan Purisima at sa retiradong si SAF Director Getulio Napeñas. Ito ang mga kasong isinampa laban sa kanila ay kailangang resolbahin ng korte.
Gayunman, sinabi ni Pangulong Dutere na ang kaso ng Mamasapano ay mas malaki kaysa mga kasong isinampa laban sa dalawang dating opisyal ng PNP. Kaya naman sa pakikiharap niya sa mga nabiyuda, naulila at iba pang mga kaanak ng SAF 44 ay inihayag niya ang pagbubuo ng independent commission na may pitong miyembro na siyang tutukoy sa kasagutan sa napakaraming hindi pa nasasagot na katanungan tungkol sa insidente.
Sa kabila ng maraming hiwalay na imbestigasyon ng Senado, ng Kamara de Representantes, ng Commission on Human Rights, at ng PNP Board of Inquiry, sinabi niyang ilang usapin ang nananatiling walang linaw—kabilang sa mga ito ang naging papel ng Amerika sa Oplan Exodus, ang kinahinatnan ng $5-million na pabuyang alok ng Amerika, kung bakit hindi nagawang saklolohan ng mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga nakorner na police commando, at kung bakit mga pulis ang nagsagawa ng operasyon na malinaw namang para sa militar?
Kasabay nito, inatasan ng Pangulo si PNP Chief Director General Ronald dela Rosa na busisiin ang desisyon ng mga mambabatas na nagbunsod upang dalawang SAF commando lamang ang magawaran ng Medal of Valor at irekomendang gawaran din ng mga medalya ang iba pang nasawi sa nasabing engkuwentro.
Ilang buwan nang isinasagawa ang pagsisiyasat sa nangyari sa Mamasapano matapos ang bakbakan noong Enero 25, 2015.
Ito marahil ang nag-iisang pinakakritikal na bagay na nakaapekto sa pagsisikap ng administrasyong Aquino na magkaroon ng kasunduang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front, na magtatatag sana sa isang Bangsamoro Autonomous Region kapalit ng Autonomous Region of Muslim Mindanao.
Napakarami nang usapin ang nagsanga-sanga sa kasong ito—nariyan ang pang-aagaw ng kapangyarihan, ang ugnayang militar at pulisya, ang mismong relasyon natin sa Amerika, ang kapayapaan sa Mindanao, at ang matinding pamimighati ng mga pamilyang naulila ng mga nasawing SAF. Umasa tayong hindi magtatagal ang bagong pagpupursigeng ito ng administrasyong Duterte upang matukoy ang pinakaugat ng insidente, upang tuluyan na nating matuldukan ang kasong ito ng Mamasapano.