NANGAKO si dating interim WBA light flyweight champion Jose Alfredo "Torito" Rodriguez ng Mexico na aagawan ng korona si IBF super flyweight champion Jerwin "Pretty Boy" Ancajas sa kanilang sagupaan sa Linggo sa Studio City Casino sa Macao, China.
May kartada ang 27-anyos na si Rodriguez na 32-4-0, tangan ang 19 pagwawagi sa knockouts at nangako na iuuwi ang kanyang ikalawang world boxing championship sa Mazatlan, Sinaloa, Mexico matapos talunin si Ancajas.
"I took two years off of boxing and missed being a champion. I came back last year on a mission to win another title and that's what I'm going to do," sambit ni Rodriguez.
Nakuha ng 25-anyos at tubong Davao del Norte na si Ancajas ang kanyang titulo nang pabagsakin sa 8th round at talunin sa 12-round unanimous decision si Puerto Rican McJoe Arroyo noong nakaraang Setyembre sa Taguig City at ito ang una niyang depensa ng korona.
Ayon sa manedyer ni Rodriguez na si José Acevedo ng Free Agent Boxing Management, puspusan ang paghahanda ng kanyang boksingero kaya nakatitiyak sa pagwawagi ng kanyang kababayan sa laban.
"Torito is working with his great trainer, Gil Gastelum, at Big Time Boxing in Port St. Lucie, Florida and Caicedo Sport Training Center in Miami," ani Acevedo.
Tiniyak naman ni Rodriguez na mahihirapan si Ancajas na mapanatili ang titulo lalo’t galing siya sa tatlong sunod-sunod na panalo.
May 25-1-1 na may 16 pagwawagi sa knockouts si Ancajas na nakabase ngayon sa Cavite at ito ang ikaapat na laban niya sa China matapos talunin sina Chinese Jing Xiang (UD 10) at Runlong Xu (KO 4), one-time world title challenger Tanawat Ponnaku ng Thailand (KO 2) at ex-Tanzanian flyweight champion Fadlihi Majiha (KO 3).
Isa pa lamang ang nakakalabang Pilipino ni Rodriguez pero tinalo siya sa puntos ni interim IBF light flyweight champion Milan Melindo nang magharap sila noong 2013 sa Cubao, Quezon City para sa bakanteng WBO International flyweight title. (Gilbert Espeña)