SA bawat krimen na nagaganap na ang biktima ay mga banyaga – partikular na ang mga Koreano, Chinese, Japanese at Bumbay – nasisiguro kong may kasamang “FINGER” ang grupo ng mga kriminal, lalo pa’t binubuo ito ng mga tiwaling pulis na may protektor na isa ring mataas na opisyal mula sa Philippine National Police (PNP) o kaya’y isang pulitikong kabi-kabila naman ang koneksiyon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Ang tinatawag na FINGER ay kadalasan ng kababayan ng mga banyagang nagiging biktima, na maraming alam sa pasikut-sikot na pamumuhay ng mga ito, lalo pa’t may ilegal na ginagawa sa pagnenegosyo rito sa bansa. Sila ang nagpaplano kung paano tatrabahuhin ang target at isang “katawan” sila sa partihan sa kikitain ng grupo sa naturang operasyon, legal man o ilegal.
Matagal na itong kalakaran sa mundo ng kriminalidad at kadalasan pa nga, ang mga FINGER na ito ang nagagamit ng mga alagad ng batas sa paglutas sa malalaking kaso sa pagbibigay ng mga impormasyon, kapag naramdaman nilang naging kontrobersiyal na ang kasong kinasasangkutan nila.
Dekada ‘80, nabatos na police reporter pa lamang ako, ay naka-engkuwentro ko na ang mga ganitong takbo ng istorya, lalo na nang mauso ang mga “kidnap-for-ransom” na ang kadalasang nagiging biktima ay mga negosyanteng Chinese. Ang FINGER ng grupo ng mga kidnaper, matapos makuha ang parte sa ransom, ay tatakbo naman sa mga pulis para ilaglag ang grupong dumukot at muling kikita sa pagbibigay ng impormasyon – DOUBLE BLADE ang tawag nila sa mga taong ganito.
May mga pagkakataon pa ngang nagiging sobrang malakas ang loob ng mga FINGER na ito kaya sila na rin mismo ang tumitira sa kanilang mga target na kababayan – sinosolo na lang ang trabaho upang wala nang makahati sa anumang halagang makukuha sa biktima. Sobrang maingat sila sa ganitong trabaho dahil kapag naamoy sila ng mga tiwaling pulis na kasampakat nila – siguradong “wawalain” na lang sila ng mga ito o kaya naman ay gagawin silang pang-ACCOMPLISHMENT ng grupo.
Gaya nang nangyari sa isa kong kaibigang negosyante na taga-Middle East na naging biktima ng isang grupo ng mga kababayan niyang ganito ang lakad noong Dekada ‘90 – kasama ang asawa at dalawang anak, inambush at itinapon ang buong pamilya sa... masukal na lugar patungong Nueva Ecija sa pag-aakala ng grupo na patay na sila. Himalang nabuhay ang ama kahit na durug-durog ang mga buto sa mga binti hanggang bewang at naituro ang mga suspek. Ang CLASSIC dito – kasama sa mga pulis na trumabaho at nakahuli sa mga suspek ay ang opisyal na namumukhaan niyang palaging kasama ng grupong dumukot at muntik nang pumatay sa kanya! Oh, may nabago ba sa istilo nila?
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)