GAGAMPANAN ni Enchong Dee ang natatanging papel bilang isang dating drug addict na buong tapang na ibinahagi ang masalimuot na pinagdaanan habang nasa impluwensya ng ipinagbabawal na gamot at kung paano siya nakakawala sa mga kuko nito ngayong Sabado (Enero 28) sa Maalaala Mo Kaya.
Nagsimula ang pagkakalulong ni Jeck (Enchong) sa bawal na gamot nang ito at ang alak ang naging sandalan niya para takasan ang kalungkutang nararamdaman simula nang umalis ang kanyang mga magulang para magtrabaho sa Amerika.
Nakarating sa kanyang ama at ina ang pagkalulong niya sa bisyo, kaya agad nilang pinapunta si Jeck, kasama ang kanyang mga kapatid, sa California upang maalagaan at mabantayan siyang maigi.
Masaya si Jeck sa kanyang bagong buhay sa US, noong una. Ngunit kalaunan ay muli na naman siyang bumalik sa droga at alak na humantong pa sa pagnanakaw at panloloko gamit ang credit cards para lang mapabigyan ang kanyang addiction.
Labas-pasok si Jeck sa kulungan, hanggang sa nagpasya siyang bumalik na lang sa Pilipinas. Hindi pa rin niya naiwasan ang droga pag-uwi, kaya sa edad 30 ay wala na siyang pera at tirahan.
Paano bumangon si Jeck? Ano ang kayang gawin ng kanyang pamilya mailigtas lamang ang buhay niya?
Makakasama ni Enchong sa upcoming episode sina CX Navarro, Michelle Vito, Cessa Moncera, Andre Garcia, Karla Pambid, Kiko Matos, Kokoy de Santos, Joshua Colet, at Crispin Pineda, mula sa panulat nina Arah Badayos at Joan Habana at sa direksiyon ni Nuel Naval.