Sa presinto na nahulasan ng kalasingan ang isang lalaki na umararo sa tatlong pedestrian, kabilang ang mag-asawang matanda, at bumangga sa isa pang sasakyan sa Bacoor City, Cavite kahapon.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting (RIR) in homicide (3 counts), RIR in damage to property, driving under the influence of alcohol at abandonment of victims si Paul Monte Verde, 29, ng Castillo Park Subdivision, Almanza 2, Las Piñas City.

Kinilala naman ang mga biktimang si Benjamin Jacob, 65; misis nitong si Eleonor Jacob, 61, kapwa taga-Sulok Street, Barangay Panapaan 3, Bacoor City; at si Renato Villanueva Juan Sr., 63, ng Bgy. Habay 2, Bacoor City.

Base sa inisyal na imbestigasyon, dakong 4:45 ng madaling araw, habang binabagtas ng suspek, sakay sa kanyang Toyota Wigo (VB 7719), ang Aguinaldo Hi-Way ay nabangga niya sina Benjamin at Eleonor.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ngunit sa halip na hintuan ang mag-asawa ay humarurot pa umano ang suspek at pagsapit sa Bgy. Real 2, Bacoor City ay nasagasaan naman niya si Juan.

Muli, tuluy-tuloy lang at hindi huminto ang suspek at nang makalayo ng may 500 metro ay nabangga naman niya ang Mitsubishi Mirage (NO 4490) na minamaneho ng isang Lorena Arlanza Pateno.

Dito ay hindi na nakatakas pa ang suspek at pinagtulungang arestuhin ng mga rumespondeng awtoridad at taumbayan.

(BETH CAMIA)