Dalawang lalaki na miyembro ng magkaibang gang, kapwa hinihinalang tulak ng ilegal na droga, ang napatay matapos umanong manlaban sa magkahiwalay na operasyon sa Tondo at Quiapo, Maynila, iniulat kahapon.

Sa ulat ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), unang napatay si Raffy Hernandez, alyas “Utoy”, nasa edad 30-35, miyembro ng “Commando” gang at residente ng Building 27, Temporary Housing, Vitas, sa Tondo.

Ayon kay SPO1 Joseph Kabigting, dakong 7:30 ng gabi ikinasa ang buy-bust operation sa isang eskinita na matatagpuan sa pagitan ng Building 27 at 28 sa Temporary Housing, Aroma Compound, sa Vitas.

Sa kasagsagan ng transaksiyon ay nakahalata umano si Hernandez na mga pulis ang kanyang kaharap kaya bumunot ito ng sumpak at nagpaputok ngunit nagmintis.

National

OFW sa Middle East, panalo ng ₱37M sa Super Lotto

Dahil sa panganib na naramdaman, napilitang magpaputok ang mga pulis na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Sa ulat naman ni SPO2 Charles Duran, dakong 1:40 ng madaling araw kahapon napatay si Bernardo Arguillas, 33, miyembro ng Batang City Jail at residente ng 24 Oscariz Street, kanto ng Palanca St., sa Quiapo.

Nasa kalagitnaan na ng transaksiyon nang makahalata ang suspek na pulis ang kanyang customer kaya biglang bunot ng kalibre .45 na baril ngunit siya’y inunahan na ng mga pulis. (Mary Ann Santiago)