DAHIL sa umano’y “blanket license” at sa “at all cost” na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis tungkol sa operasyon laban sa illegal drugs na parang obsesyon sa buhay ng Pangulo, nagiging sanhi raw ito ng walang habas na pagbaril at pagpatay ng mga tauhan ni Gen. Bato sa pushers at users sa katwirang nanlaban ang mga ito.

Kung ikaw ay isang pulis, tiyak na magiging matapang ka at walang katatakutan dahil sa pahayag ni Mano Digong na puwedeng pumatay basta atas ng tungkulin at sila ay nanlaban. Kahit ano ang mangyari, tiniyak din ni Pres. Rody na kapag ang pulis ay nahatulan at nakulong, siya ang bahala at pagkakalooban niya ng executive pardon o patawad. Kung ganoon, sinong pulis ang hindi tatapang, papatay sa pinaghihinalaang pushers at users eh, garantisado silang ipagtatanggol ng Presidente?

Bulalas ng kaibigan kong kainuman ng kape (hindi alak): “Nanlaban? Natutulog sa loob ng bahay kasama ang pamilya papasukin at babarilin ang suspect kung kaya papaano ito manlalaban?” Sabi nila ang mga ito ay vigilantes, pumapasok sa bahay kahit madaling araw at binabaril ang umano’y pushers at users. Nagdududa ang mga tao kung ang vigilantes ay mga pulis din na pinatatahimik ang pushers at users dahil sila ay mga asset na baka “kumanta” at ituro sila bilang drug protectors.

Saka ang mga biktima raw ng buy-operations ay nanlaban at bumunot ng baril kaya binaril nila. Tanong uli: “Paano manlalaban ang suspek eh, cal .38 revolver lang ang dala niya (kung meron ngang dala)?” Laging ganitong uri ng baril ang natatagpuan sa mga bangkay ng mga biktima, ilang sachet ng shabu, at ilang daan o libong piso. Hoy, mga pulis, ang itumba ninyo ay malalaking shabu suppliers/drug lords upang matigil ang supply ng shabu.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nagkomento sina Sen. Leila de Lima at ilang Kinatawan ng Party-list organizations na ang pagkakaloob ng “lisensiya” at garantiyang pardon ni PDu30 sa mga pulis na tumupad sa tungkulin, ang puno’t dulo ng katapangan, kabagsikan at kawalang-konsensiya ng mga ito. Nakagagawa sila ng extrajudicial killings (EJKs) at human rights violations (HRVs) dahil wala silang takot. Tanong: “Ang mga pulis ba ay protektor ng bayan o berdugo ng mamamayan?”

Hindi natin akalain na sa paglaban sa ilegal na droga, gagamitin nila itong maskara para isagawa ang tinatawag na “Tokhang for Ransom” o paggamit ng Tokhang para mandukot at humingi ng ransom. Dinukot si Jee Ick-Joo, Korean businessman, dinala sa Camp Crame, hiningan ng P5 milyon ransom ang ginang nito gayong noong araw ding iyon ay pinatay sa sakal malapit lang sa White House ni Gen. Bato.

Siyanga pala, nang bumisita sa Malacañang ang “mga pinakamagandang hayop sa mundo—Miss Universe candidates, ang titulo ng news story ng isang English broadsheet: “Duterte on best behavior for Miss U beauties.” Parang isang batang nawala ang kapilyuhan at parang isang binatang natulala sa harap ng mga dilag na bukod sa matatangkad ay kayganda pa ng hubog ng katawan. Nawala ang pagmumura ng Presidente at sa halip ay napa-Wow.

Kasama ni PDu30 ang kanyang long-time partner na si Honeylet Avancena sa pagdalo sa ika-55 kaarawan ni Gen. Bato sa Camp Crame. Nabasa ko sa diyaryo na pinag-iisipan ng Malacañang kung ano ang dapat na tawag sa kanya, First Lady.

Suhestiyon ng mga Pinoy: “Pakasalan mo na si Honeylet dahil binata ka naman.” (Bert de Guzman)