PORMAL na umusad sa kampeonato ang San Sebastian College matapos walisin ang elimination round sa pamamagitan ng paggapi sa defending champion College of St.Benilde, 22-25, 25-22, 25-13, 25-14 kahapon sa pagtatapos ng double round elimination sa NCAA Season 92 volleyball tournament sa San Juan Arena.
Nakauna pa ang Lady Blazers dahil sa hindI magandang panimula ng Lady Stags na inamin ni coach Roger Gorayeb na tila wala ang konsentrasyon sa laro.
Ngunit, matapos makakuha ng set, nagdire-ditetso ang Lady Stags at tuluyang winalis ang sumunod na mga sets upang maangkin ang ika-9 na sunod na panalo.
Nagtala ng 30 puntos si Grethcel Soltones habang nagdagdag ng 12 at 10 puntos sina Kat Villegas at Joyce Sta.Rita, ayon sa pagkakasunod para pamunuan ang panalo na awtomatikong nagsulong sa kanila sa kampeonato.
“Parang wala sa focus nung first set, buti na lang nakabawi nung second set, “ pahayag ni Gorayeb.
Dahil sa panalo, hihintayin na lamang ng Lady Stags kung sino ang kanilang makakalaban sa finals. (Marivic Awitan)