DAMANG-DAMA pa hanggang ngayon ng mga naulila ng elite SAF 44 ang magkahalong matinding pagdadalamhati at paghihimagsik ng kalooban – hanggang kamakalawa nang sila’y makahalubilo ni Pangulong Duterte sa Malacañang.

Pagdadalamhati dahil sa kahindik-hindik na pagpatay sa kanilang mga mahal sa buhay, at pagngingitngit ng damdamin dahil sa mailap na katarungan para sa mga bayaning-kawal na biktima ng kasumpa-sumpang Mamasapano massacre, dalawang taon na ang nakalilipas.

Sa kabila ng mistulang nagluluksang eksena sa Tanggapan ng Pangulo, hindi rin naman naitago ang kasiyahan ng mga biyuda, magulang at kapatid ng mga minasaker na Special Action Forces ng magkahalong Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP). Natitiyak kong marami ang katulad kong natangay ang damdamin nang halos humagulgol ang mga naulila dahil sa puso-sa-pusong pakikipag-usap sa kanila ng Pangulo: sa kanyang paglalahad ng masasalimuot na pangyayari na bumalot sa Mamasapano massacre – paglalahad tungo sa paghahanap at paglalantad ng katotohanan upang mapanagot ang mga may kasalanan.

Tandisang inilantad ng Pangulo ang kapalpakan ng Oplan Exodus – ang mga kasangkot dito na sinasabing nagsabwatan, nagtakipan at nagpabaya sa kanilang misyon – na naging dahilan nga ng pagpaslang sa ating mga bayaning sundalo at pulis. Hindi na kailangang muling tukuyin ang mga idinadawit na mga opisyal sapagkat matagal na silang nahihigingan ng sambayanan, lalo na ng mga naulila ng SAF 44. Isa pa, ang isyu ay nasa kamay na ng hukuman. Sapat nang sila, pati ang kanilang mga pagpapabaya at kasalanan, ay halos ipagsigawan ng Pangulo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Bagamat hindi na dapat ikagulantang, marapat lamang ipagdiinan ng Pangulo ang sinasabing partisipasyon ng Central Investigation Agency (CIA) ng United States sa pumalpak na Oplan Exodus. Ang naturang ahensiya ang umano’y nagplano ng lahat, sa kaalaman ng kinauukulang mga opsiyal, upang isubo sa kamatayan ang SAF 44; upang bihagin at patayin si “Marwan”, ang sinasabing utak ng mga karahasan sa Mindanao. Magagawa ng CIA ang lahat ng nais nila.

May dahilan ang labis na kasiyahan ng mga naulila ng SAF 44. Tahasang ipinahayag ng Pangulo ang kanyang hangaring pagkalooban ng Medal of Valor ang lahat ng pinaslang ng mga alagad ng batas bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan.

Bubuo rin siya ng isang Commission na puspusang lilitis sa masaker at sa mga dapat managot dito. Pag-uukulan din ng makataong paglingap ang mga naulila sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga benepisyo, tulad ng pagpapaaral sa kanilang mga anak.

Marapat na maisakatuparan ang mga ito upang ganap na maghilom ang sugat na likha ng pagkakait ng hustisya sa SAF 44 victims. (Celo Lagmay)