WALANG sintunadong pagkakataon upang gumawa ng tama o maling saglit upang mag-alay ng kabutihan, maging sa kapwa o sa isang isyu na hindi pa nakakapisil ng katarungan. Lalo na kung ang mga sugat, magpahanggang ngayon, ay nananatiling malalim sa alaala at hindi pa naghihilom.
Ang mga pamilya ng Special Action Force (SAF) 44 ay kasalukuyang dumaranas ng pangalawang paglapastangan. Una, sa Mamasapano massacre, at pangalawa, sa usad-pagong na hustisya. Ang pagkakait ng hustisya sa kahit isang tao o grupo ng tao ay katumbas din ng kawalan ng katarungan sa sambayanan. Kung hindi mo maaasahan ang tapat at mabilis na hustisya, damay lahat sa umiiral na sistema.
Hindi ko maiwasang balik-balikan ang mabigat na araw ng pagluluksa noong isa-isang inilabas sa tiyan ng eroplanong C-130 ang mga kabaong ng SAF 44 na ginayakan ng bandila. Karga-karga ng kapatirang pulis, habang ang mismong “commander-in-chief”, at naturingan pa namang ama ng bayan, ay dakilang “wala roon” upang salubungin at gawaran ng karampatang parangal ang mga bayani ng republika. Nagugunita ko pa ang palusot—dahil daw sa “car show”.
Tamaan ka ng kidlat at nandamay ka pa sa dapat ay sarili mong mando at oras kung gugustuhin. Kaya nga pangulo ka, ikaw ang masusunod. O baka nga naman umiiwas ka lang? Bumahag ang pundilyo?
Dahil hindi maatim ng sariling konsensiya ang kapalpakang ginawa. Ang ipasubo at pabayaan sa bunganga ng kapahamakan ang 44 na buhay. Panahon na upang magbukas ng panibagong pagdinig sa dalawang kapulungan. Mahalagang utusan ni Pangulong Digong ang PNP at AFP na isiwalat ang lahat ng nalalaman, papeles, dokumento, atbp. upang masinagan ng katotohanan ang isa sa malagim na kasaysayan ng bansa.
At upang masampahan ng kaso at litisin ang dapat managot sa kapalpakan, sabay dalhin sa harapan ng hukuman ang mga MILF at grupong nakisawsaw sa “pintakasi” ng madugong massacre.
Hindi maaari ang palusot sa Kagawaran ng Katarungan na “mahirap magpadala ng warrant of arrest sa mga suspect”. Kung seryoso ang MILF sa “Usaping Pangkapayapaan”, magpamalas sila ng katapatan at tumulong isuko ang mga salarin.
(Erik Espina)