ISA kami sa mga naimbitahan ng opisina ni Sen. Grace Poe para sa public hearing ng Committee on Public Information and Mass Media, na siya ang chairman, sa inihaing Senate Resolution #257 ni Sen. Tito Sotto.
Nakasentro ang pagdinig sa kontrobersiya at iba pang isyu sa katatapos na Metro Manila Film Festival (MMFF) kaya present ang halos lahat ng mga taong involved sa filmfest.
Napahanga kami kung paano pinamunuan ni Sen. Grace ang hearing, at mas naramdaman ang malasakit niya sa local movie industry.
Marami ang diskusyon tungkol sa problema ng mga producer ng mga kasaling pelikula ng MMFF, mga hinaing ng theatre owners, kung magkano ang kinita ng festival, sa ibinahaging percentage sa beneficiaries na kagaya ng Mowelfund, Film Academy of the Philippines, social media, at ultimo kaliit-liitang detalye sa industriya ay nabanggit pa.
Mahusay humawak ng public hearing si Sen. Grace Poe kaya hindi naging parang nasa palengke ang Senado na kagaya ng ibang napanood natin, huh!
Naging mainit at madrama lang ang talakayan nang dumating si Nora Aunor na biglang naglabas ng sentimiyento hinggil sa basta na lang daw pagtanggal sa kanya sa pelikulang Oro.
Tinawag pang sinungaling ni Ate Guy ang director ng Oro na si Alvin Yapan.
“Talagang sinungaling po sila. Kasi magaling na director ‘yan si Direk Yapan, talagang susundin niya kung ano ang nasa script, na pinalo ng dos por dos ang aso hanggang sa mamatay. ‘Tapos nilaslas ‘yung bituka na inilagay sa aso bago pinukpok. Hindi ako papayag na magsinungaling siya,” sabi ni Nora na ang pinagbasehan ng kanyang sinasabi ay ang script daw na nasa kanya.
Sumagot si Direk Alvin na wala siyang nakita sa script ang binanggit ni Nora. Tinawag din ni Direk Alvin na sinungaling si Nora.
Nagpaliwanag ang producer ng Oro na si Shandii Bacolod sa litanya ni Nora sa walang pasabing pagkatanggal niya sa pelikula pagkatapos niyang mag-shooting ng dalawang araw sa Caramoan. Nagkaproblema raw sila sa schedule ng aktres at hindi na nila mahintay pa ang availability nito.
Sagot ni Nora, sana man lang daw ay sinabihan siya at hindi basta na lang pinalitan ng isang aktres na hindi niya mabanggit-banggit ang pangalan, huh!
Respeto lang daw ang hinihingi niya.
“Wala silang sinabi sa akin. Ni ha, ni ho wala po silang ginagawa. Hanggang text lang po sila sa akin na ang dahilan du’n sa text ng line producer ay hindi na raw makatagal sa akin ‘yung direktor, kasi hindi na raw ako makamemorya ng linya.
“Tama po ba naman ‘yun? Siguro, kung direktor ka, sabihin ko naman na ang haba naman nitong linya, na hindi naman ganu’n kahaba ang linya ko. Bakit bigla na lang akong alisin kung iyon ang kanilang dahilan na wala naman silang sinasabi sa akin na ibang dahilan na nalaman ko na lang po sa ibang tao,” katwiran ng superstar. (JIMI ESCALA)