NATULOY rin sa wakas ang one-on-one interview namin kay Alessandra de Rossi na ginawa namin sa Grub Restaurant sa ELJ Building ng ABS-CBN.

Marami kasi kaming gustong malaman sa kanya, una-una, kung Kapamilya talent na ba siya dahil napapanood siya sa FPJ’s Ang Probinsyano.

“Sa ngayon, yes,” sagot ni Alex. “Kasi may offer sa akin dito, ito nga ‘yung Probinsyano. Pero wala akong kontrata, walang ganu’n. I don’t even know kung may ino-offer na ganu’n.

“Sa totoo lang never din naman ako nag-wish na, ‘uy (kontratahin n’yo ako),’ hindi naman ako ganu’n. Kung saan lang ako may work, doon ako. Hindi naman ako logo ng istasyon para sabihang ingrata.”

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Bukod sa FPJ’s Ang Probinsyano ng Dreamscape Entertainment, may guesting din siya sa Langi’t Lupa ng RSB unit.

Nagpaalam si Alessandra sa GMA-7 na tatawid muna siya sa Dos dahil wala namang offer sa kanya.

“Alam naman ng mga bosses ko na may bills akong binabayaran kaya okay sa kanila na kung saan ako may offer, doon ako.

Hindi naman sila maramot, kasi alam din naman nilang may pamilya ako, kaya nandito ako ngayon,” paliwanag ng aktres.

Maraming dumarating na offers kay Alessandra na hindi niya tinanggap sa paniniwalang pare-pareho na lang ang roles na ginagampanan niya.

“Maraming offers talaga, kaso pare-parehas na lang. ‘Ano? Teacher na naman?’ Nagtatanong ako kung ano’ng espesyal dito. Hindi puwede ‘yung palengke na lahat meron na. Ilang beses na akong gumanap na teacher, nanay, dapat may pagkakaiba,” katwiran ng aktres.

Anong challenging na papel pa ba ang gusto niyang gampanan? Taong-gubat?

“Nagawa ko na ‘yun sa Baybayin (Cinema One Originals 2012), Lusong (2011) at Independencia (2009). Marami pa akong papel na hindi nagagampanan tulad ng prinsesa, charot! Ha-ha! Marami pa. Alam mo, pangarap ko maging doktor o lawyer.

Hindi ko pa nagagawa kasi bata pa ako, masyado pa akong baby para maging doktor o lawyer na maraming alam. Matagal pa iyon.

“Sabi nga nu’ng isang friend ko na pinapanood niya si Meryl Streep (Before and After, 1996), feeling ko si Alex aabot diyan, kailangan lang niyang magkalaman ng konti,” kuwento ng aktres.

Kung namimili na nga siya ng gagampanang papel, bakit palaging mother role ang napapanood naming papel niya tulad nga sa Ang Probinsyano?

“Ang pinipili ko lang naman ay ayoko lang ng love scene, ayoko ng sexy na role, ayoko ng wala akong matutunang magandang values. ‘Yung sa Ang Probinsyano, may redeeming factor ‘yung character ko (nanay ni Onyok) dahil iniwan niya ‘yung anak niya ‘tapos binalikan ko, gagawin ko ang lahat para makuha ko ang anak ko. Tao siya, nagkamali siya, inayos niya ang buhay niya, so bakit naman hindi (tatanggapin ang mother role)?

“Okay naman ako sa mother role at nandoon na ako sa age na ‘yun, I’m 32 years old, so ang mga 32 may anak na, meron na silang seven year-old, puwede silang may 10 year-old, okay ako ro’n.

“May in-offer sa akin na 18 years old ‘yung anak ko, siyempre hindi ko na tinanggap ‘yun kasi kahit na maiaarte ko siya ng tama, ‘yung itsura namin, puwede pa kami gumawa ng baby, eh, ha-ha-ha-ha.

“So, alam mo ‘yun, kahit ano’ng gawin mo, kung physically hindi naman nagma-match, hindi ko rin maibibigay lahat.

Hindi ko kaya ‘yun maski sabi na papuputiin ang buhok ko, papatandain ako. Hindi kasi ganu’n ‘yun, hindi siya magwo-work kasi magmumukha lang kaming tanga.

“Kaya ako mapili kasi ayoko rin na kapag napanood ang movie o serye ang reaksiyon mo, ‘ngiii, ano ‘yun?’ Gusto ko lagi believable,” pangangatwiran ni Alex.

Gumanap nga raw siyang lasinggera (Mauban: Ang Resiko, 2014) at nagulat siya dahil nahirang siyang Best Actress.

“Ten days akong lasing, as in straight ‘yung mga kinukunan naming eksena. Hindi kasi ako umiinom kaya madali akong tinamaan. ‘Tapos sasabihin nila, pack-up na, sabi ko, ‘o, hindi n’yo na kukunan ito?’ Sabi nila, nakunan na lahat ng eksena ko. Wala akong maalalang nakunan na,” natatawang kuwento ng aktres. “’Pag napanood mo ‘yung movie, lasing ako, totoo ‘yun at nanalo akong best actress do’n.”

Kung mapili sa projects si Alessandra de Rossi at pawang indie films ang ginagawa niya, paano niya napagkakasya ang maliit na kinikita niya?

“Honestly, I’m not bothered, kasi ginagastos ko pa ngayon ay ‘yung iba ko pang suweldo (sa indie films at GMA-7).

Hindi ko pa nga nakukuha ‘yung suweldo ko sa Ang Probinsyano, eh,” tumatawang sabi ng aktres. “Of course, I want a regular job o show, sana mabigyan ako nu’n, I can wait. Hindi ako nagmamadali.

“Siyempre sa budget hindi (kasya), pero may tinatawag na projects for the soul, may projects for the pockets. Kapag puro pocket, magsasawa ka rin, eh. Darating ka sa point na never kang nagkaproblema sa pera, gutom na gutom naman ang kaluluwa mo na, ‘Diyos ko, wala naman akong problema sa pera, pero ayoko na ng mga ginagawa kong pangit (na pelikula). Ganu’n ang feeling.

“’Pag puro indie naman, wala naman akong problema sa ginagawa ko, ang saya-saya ko. Pero may problema ako sa pera, guys. Nababalanse naman, awa ng Diyos. Everytime na may ginagawang something na ikinalulungkot ko na, ‘ano ba naman itong role na ito?’, lagi namang may sisingit na indie films sa gitna. Mabait talaga ang Diyos sa akin, nababalanse niya lahat ‘yun,” kuwento ng dalaga.

Hindi ba totoo ang bali-balita na siya ang highest paid actress sa independent films?

“No!” mabilis niyang sagot. “Kaya nga marami akong indie films kasi hindi ako mahal. Kakulay ko ang Pilipina, kahit paano naman, mukha lang naman akong labandera kung kailangan, puwede rin naman akong supermodel kung gusto n’yo.

Mababa ang budget ko, hindi ako mahal maningil,” say niya.

(Next time, ang lovelife niya.) (REGGEE BONOAN)