NAPAPASABAK na sa totohanang taping si Maine Mendoza sa bundok ng Dolores, Quezon na laging inuulan at napakalamig ng klima para sa Destined To Be Yours (DTBY), ang first teleserye ng AlDub tandem nila ni Alden Richards sa GMA-7 under Direk Irene Villamor.
Walang reklamo ang real trouper na si Maine kahit mabaon sa putik ang mga paa niya. Tatlong araw na silang nagti-taping na lagi namang umuulan, pero kailangang ituloy pa rin ang trabaho nila dahil papalapit na ang pilot week ng DTBY. Magiging Valentine presentation kasi sila ng GMA Network.
Sa bundok sa Dolores, Quezon ang setting ng DTBY dahil gumaganap si Maine bilang si Sinag, isang probinsiyanang nagmamahal sa kanyang kapaligiran na ayaw niyang masira. Ipinaglalaban niya ito sa kanyang radio program sa local radio station sa probinsiya. Pero darating sa kanilang lugar si Benjie (Alden), isang hardworking architect na gustong makakuha ng piraso ng lupa na pag-aari ng pamilya ni Sinag na pagtatayuan niya ng kanyang dream house.
Pumayag kaya si Sinag?
Ito ang senaryo ng pagsisimula ng love story nina Sinag at Benjie, na may magkahalong comedy at drama.
Kasamang nagti-taping ni Maine sina Janice de Belen at Gardo Versoza, bilang parents ni Sinag, ang best friend ni Sinag na gagampanan ni Sheena Halili at ang babaeng mai-in love kay Benjie na gagampanan ng Starstruck 6 finalist na si Koreen Medina.
Kasama rin sa cast si Lotlot de Leon bilang ina ni Benjie at si Ina Feleo, ang kontrabidang boss na magpapahirap kay Benjie. Nasa cast din sina Dominic Roco, RJ Padilla, Juancho Trivino at si Ms. Boots Anson-Rodrigo.
Hinihintay na ng production ang pagbabalik ni Alden mula sa very successful na Sikat Ka Kapuso concert sa Terrace Theater sa Long Beach California nitong nakaraang Linggo. Sa kabila ng flash flood at bagyo, hindi napigilan ang fans na manood sa kina Dennis Trillo, Jennylyn Mercado, Lovi Poe, Tom Rodriguez, Betong Sumaya at Alden.
Based sa posts ng fans, nag-enjoy sila sa concert na tuluy-tuloy ang kantahan at sayawan at sa meet and greet.
(NORA CALDERON)