HINDI magbabago sa anumang unos ng panahon ang adhikain ng LBC Ronda: mapataas ang kalidad ng kompetisyon at mapaunlad ang kakayahan ng lokal na siklista.

Ipinahayag ni Moe Chulani, Ronda project director at LBC Sports Development head, na maluwag na tinanggap ng organizer ang hindi paglahok nina national team member George Luis Oconer at Ronald Lomotos para sa LBC Ronda 2017 edition upang bigyan daan ang kanilang pagsabak bilang miyembro ng Philippine Team sa karera na itinataguyod ng PhilCycling.

“As always, we will support PhilCycling’s program and anything that will be done for flag and country,” pahayag ni Chulani. “And rest assured that we will be relentless in our pursuit of discovering and producing future talents from the far-flung areas in the country.”

Bahagi sina Oconer at Lomotos sa Go for Gold at Navy Team, ayon sa pagkakasunod, na sasabak sa LBC Ronda na nakatakdang pumadyak sa Pebrero 4 sa Vigas, Ilocos Sur, ngunit naunsiyami nang makatanggap ng memorandum sa Philcycling – ang national sports association na nangangasiwa sa amateur cycling – kung saan kinakailangan silang makibahagi sa national team na lalaban sa Le Tour de Pilipinas, nakatakda sa Pebrero 18.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kinatigan ni Go for Gold coach Eds Hualda ang layunin ng LBC at Ronda para sa kapakanan ng siklista at ng cycling.

“Our team was founded on the principles of giving our national and elite level athletes opportunities to develop through additional trainin and races, both here and abroad and develop the next generation of elite athletes through our junior development program,” sambit ni Hualda.

Kabilang din sa team bilang skipper ang kabiyak ni Hualda na si Ronnel. Bahagi rin ng Go for Gold team sina Jerry Aquino, Jr., Jonel Carcueva, Elmer Navarro, Agustin Queremit, Ryan Cayubit at Ismael Gorospe.

Ayon kay Hualda, nagimbita sila ng kapalit ni Oconer, nanguna sa qualifying race na ginanap sa Subic Bay at Bacolod City nitong Nobyembre.

“Yes, we’re finding another rider to fill in the spot left by George,” pahayag ni Hualda.

Tumataginting na P1 milyon ang premyong naghihintay sa individual champion sa 14-stage race na itinataguyod ng LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Victory Liner, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.

Kabilang din sa karera ang mga koponan ng Bike Extreme, Neopolitan, Ilocos Sur, Iloilo, Mindanao, South Luzon, Kinetix Lab-Army, Zambales, Salic at One Tarlac.

Magsisimula ang karera sa Feb. 4 na may dalawang stage sa Ilocos Sur patawid sa Angeles (Feb. 8), Subic (Feb. 9), Lucena, Quezon (Feb. 12), Pili, Camarines Norte (Feb. 14 and 16), Daet (Feb. 17), Paseo sa Sta. Rosa, Laguna (Feb. 19), Tagaytay at Batangas (Feb. 20), Calamba at Antipolo (Feb. 21) at magtatapos sa Iloilo City (March 2, 3 at 4).