Rehas na bakal ang hinihimas ngayon ng isang helper matapos ipakulong ng isang dalaga na kanya umanong sinilipan, pinagmumura at pinagsasampal sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa mga kasong R.A. 9262 (Violation Against Women and their Children), Oral Defamation at Slight Physical Injury si Joey Francisco, 37, ng No. 65 P. Cadorniga Street, Barangay Northbay Boulevard ng nasabing lungsod.
Sa salaysay ng biktimang si Minerva Andaya, nasa hustong gulang, kay P02 Paul John Hallara, bandang 10:00 ng gabi, nilapitan niya si Francisco at kinompronta dahil sa paninilip nito sa kanya.
Pasimple umanong binuksan ng suspek ang bintana sa kuwarto ng dalaga habang nagbibihis ito.
Dahil dito’y nagalit umano si Francisco kay Andaya dahilan upang pagmumurahin at pagsasampalin niya ang huli.
Umiiyak na nagtungo sa barangay hall ang biktima at ipinaaresto ang suspek. (Orly L. Barcala)