LAPU-LAPU CITY, Cebu – Nauwi sa trahedya ang masayang parasailing ng isang mag-asawang Korean sa Barangay Punta Engaño sa Lapu-Lapu City, Cebu, nitong Martes ng hapon.
Nasawi si Seong Soo Kim, 64, habang nasugatan naman ang asawa niyang si Jam Sik Lim, 60, makaraang malagot ang lubid na nakakabit sa kanilang parasail wing hanggang sa tuluyang kumalas sa speedboat na humihila sa mag-asawa.
Itinuloy pa rin ng mag-asawang dayuhan ang parasailing sa kabila ng gale warning ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ayon sa pulisya.
Anim na turistang Korean ang naka-book para sa parasailing at nauna sa kanila ang mag-asawa.
Paliwanag naman ni Francis Lumaban, manager ng speedboat operator na NTJ Watersports Cebu, nahirapan silang i-rescue ang dalawang Korean dahil kaagad na tinangay ng malakas na hangin ang nasirang parasail wing palayo sa speedboat.
Hindi na umabot nang buhay sa Mactan Doctors Hospitals ang lalaking Korean, habang stable na ngayon ang lagay ng kanyang misis. (Mars W. Mosqueda, Jr.)