Patay ang isang babae, nagtatrabaho bilang helper, matapos pagsasaksakin ng dalawang suspek sa Tondo Maynila, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay SPO4 Glenzor Vallejo, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 4:09 ng madaling araw pinatay si Antonette Awitan, 36, residente ng 2015 Almeda Street sa Tondo, sa loob ng J-2 Store, na matatagpuan sa Yuseco St., kanto ng I. Delos St., Tondo.

Una rito ay nakausap pa umano ni Dennis Romeo, barangay tanod, ang biktima nang bumili siya at kanyang mga kasama ng sigarilyo sa naturang tindahan.

Ikinuwento umano sa kanila ni Awitan na gusto siyang patayin ng isang alyas “Raymond” ngunit hindi naman tinukoy ang dahilan.

National

'Walang atrasan!' 2 senador, sinigurong tuloy ang impeachment trial sa Hunyo 11

Nang makabili ng sigarilyo ay umalis na umano si Romeo at mga kapwa niya tanod upang ipagpatuloy ang pagpapatrulya.

Maya-maya’y nagtungo sa barangay hall ang isang concerned citizen at nagsumbong na isang babae ang natagpuang tadtad ng saksak sa dibdib at braso sa loob ng nasabing tindahan.

Nang puntahan ng mga barangay tanod, nagulat na lang umano si Romeo nang makitang bangkay ito ni Awitan.

(Mary Ann Santiago)