MATAGAL nang gumagamit ang Pilipinas ng limang pangunahing uri ng renewable energy – ang hydro, geothermal, wind, solar, at biomass. At malapit nang madagdagan ito — ang tidal energy.
Inihayag ng Philippine National Oil Company (PNOC)-Renewables Corp. na malapit nang itayo ang unang ocean power plant sa San Bernardino Strait sa pagitan ng Sorsogon at Northern Samar, kung saan pumapasok ang Pasipiko sa karagatang nakapaligid sa ating mga isla sa Visayas.
Ito ay proyektong pinagtuwangan ng kumpanya ng kuryente sa Pilipinas na H&WB Asia Pacific Corp. at ng French partner nitong Sabella SaS, isang pandaigdigang leader sa industriya ng enerhiya sa dagat. Noong 2008, kinilala ang Sabella sa unang experimental marine current turbine na itinayo sa France, na ang nakalubog nitong DO3 turbine (na may tatlong-metrong rotor diameter) ay sinundan noong 2015 ng D10 turbine na nakakonekta sa French grid. Para sa proyekto sa San Bernardino Strait ngayong taon, tatlo hanggang limang turbina ang gagamitin. Ito ang magiging kauna-unahang tidal energy project sa Timog-Silangang Asya.
Sa ngayon, binubuo ng renewable energy ang nasa 26 na porsiyento ng kabuuang konsumo sa enerhiya ng Pilipinas. Sa nakalipas na mga taon, pangunahin nating inasahan ang ating mga hydro-electric plant na gumagamit ng tubig mula sa mga dam. Sinimulan na natin ang pagdedebelop ng enerhiyang geothermal sa Tiwi, Albay, noong 1979. Mayroon tayo ngayong anim na geothermal field sa Luzon, Leyte, Negros, at Mindanao, lumilikha ng 17 porsiyento ng kabuuang pangangailangan sa kuryente ng bansa.
Ngunit nananatili tayong nakadepende sa enerhiyang nalilikha ng mga coal plant. Binubuo nito ang nasa 70 porsiyento ng ating pangangailangan sa kuryente sa ngayon, at sa susunod na apat na taon ay 12 coal power plant ang nakatakdang itayo — lima sa Luzon, isa sa Visayas, at anim sa Mindanao. Sa kabila ng ating suporta sa Paris Agreement on Climate Change noong Disyembre 2015, kailangan nating ipagpatuloy ang mga proyektong ito na matagal nang inaprubahan.
Kailangan natin ang kuryente na madali at agarang maipagkakaloob ng mga coal plant.
Gayunman, hindi nagmamaliw ang ating pagtuklas sa iba pang maaaring pagkuhanan ng malinis na enerhiya. Natukoy na natin ang ilang solar plant site sa maraming bahagi ng ating bansa, bukod pa sa ating mga wind power plant. Ang planty sa San Bernardino Strait na gagamit ng tidal power ang huling proyekto ng ating patuloy na implementasyon ng Renewable Energy Act of 2009 at ng ating pangakong pipiliin ang anumang mas malinis at mas makabubuti sa ating planeta.