Sinibak sa puwesto ang hepe ng Angeles City Police sa Pampanga kaugnay ng magkahiwalay na pagdukot sa lungsod, kabilang na ang kaso ng negosyanteng Korean na si Jee Ick-joo, noong nakaraang taon.

Sinabi ni Police Regional Office (PRO)-3 Director Chief Supt. Aaron Aquino na sinibak sa puwesto si Senior Supt. Sidney Villaflor batay sa prinsipyo ng command responsibility makaraang pitong tauhan nito ang naugnay din sa pagdukot, pagnanakaw at pangingikil sa tatlong Korean golfer noong nakaraang buwan.

“The relief has nothing to do on whether or not he is involved. The relief is purely because of command responsibility, that he should take full responsibility for the illegal actions of his men,” paliwanag ni Aquino.

Si Villaflor ay papalitan ni Senior Supt. Jose Hidalgo, Jr, ayon pa kay Aquino.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Oktubre 18, 2016 nang dinukot si Jee ng umano’y grupo ni SPO3 Ricky Sta. Isabel sa kunwaring lehitimong operasyon ng Anti-Illegal Drugs Group. Dinala sa Camp Crame ang dayuhan at doon pinatay sa sakal bago hiningan ng P5-milyon ransom ang asawa nito.

Sa kainitan ng eskandalo at imbestigasyon sa kaso ni Jee, na natuklasang kinasasangkutan maging ng ilang asset ng National Bureau of Investigation (NBI), isa pang kaso ng robbery extortion na may halos parehong modus operandi ang natuklasan.

Sinabi ni Aquino na pitong operatiba ng Angeles City-Station 5 ang dumakip noong Disyembre 30, 2016 sa tatlong Korean na nagbabakasyon sa Pilipinas para mag-golf.

Inaresto sila sa umano’y pagkakasangkot sa online gaming at dinala sa presinto. Pinalaya lamang umano ang tatlo makaraang magbayad ng P300,000.

Ayon kay Aquino, ipinag-utos na niya ang pagsibak sa puwesto at pagsasailalim sa restrictive custody ng mga sinasabing sangkot sa insidente na sina PO3 Arnold Nagayo, PO3 Roentjen Domingo, PO3 Gomerson Evangelista, PO2 Ruben Rodriguez, PO1 Jayson Ibe, at PO1 Mark Joseph Pineda.

Sinibak din sa command responsibility ang hepe ng Station 5 na si Chief Insp. Wendel Arinas at deputy nitng si Senior Insp. Rolando Yutuc.

Umalis na sa bansa ang tatlong Korean ngunit naghain ng reklamo ang mga kito sa embahada ng South Korea, na nag-ulat naman ng insidente sa pulisya.

Sinabi ni Senior Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), na gagamitin ng pulisya ang nasabing reklamo ng tatlong dayuhan para sampahan ng mga kasong kriminal at administratibo ang pitong pulis.

(AARON RECUENCO at FER TABOY)