Patay ang tatlong magpipinsan na umano’y sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga at panghoholdap makaraang manlaban sa mga pulis sa buy-bust operation sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga suspek na sina Leo Geluz y Merced, 30; Joshua Merced, 22; at Bimbo Merced, 37, pawang residente ng 2565 Benita Compound, Pasig Line, Zobel Roxas Street sa Sta. Ana, Maynila.

Sa ulat ni PO3 Aldeen Legaspi, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 3:00 ng madaling araw nang mapatay ang mga suspek sa kanilang bahay nang ikasa ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Unit (SAID-SOTU) ng MPD-Station-6 (Sta. Ana), sa pangunguna ni Police Inspector Alfredo Tan, ang buy-bust operation.

Lumilitaw na nakabili ng P200 halaga ng shabu ang mga poseur buyer na sina PO3 Allan Escramosa, PO2 Roestrell Ocampo at PO2 Francisco Mendoza, nang makahalata ang mga suspek na mga pulis ang kanilang katransaksiyon kaya kanya-kanyang bunot ng baril ang mga suspek at pinaputukan ang mga pulis.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Napilitan namang gumanti ang mga pulis na naging sanhi ng pagkamatay ng tatlo.

Narekober sa mga suspek ang isang kalibre .38 revolver, isang kalibre .22 revolver, isang sumpak, mga bala ng shotgun, 16 na plastic sachet ng shabu at mga drug paraphernalia. (Mary Ann Santiago)