Para sa popular na US magazine na National Geographic, isa ang Pink Sand Beach ng Zamboanga sa pinakamagaganda sa buong mundo.
“Hardly lacking in gorgeous beaches, the Philippines claims a pink-sand variety, too,” sulat ni Kimberly Lovato sa kanyang artikulo sa National Geographic Magazine.
Binanggit ni Lovato na nakuha ng beach ang pagkilala dahil sa “blush color” ng dalampasigan na “comes from billions of pieces of crushed red organ-pipe coral, seen in every handful of sand.”
Bilang bahagi ng Basilan Straight, matatagpuan ang kambal na isla ng Sta. Cruz sa Zamboanga. Ang mas maliit, na tinatawag na Little Sta. Cruz, ay kampo ng militar, habang ang mas malaking isla ay tinawag na Greater Sta. Cruz, kung saan matatagpuan ang Pink Sand Beach.
Bukas sa publiko ang Pink Sand Beach, ngunit kinakailangan ang pahintulot ng City Tourism Office ng Zamboanga para mapasok ito.
Hindi ito ang unang beses na binigyan ng pandaigdigang pagkilala ang ganda ng mga beach sa Pilipinas.
Ilang beses nang kinilala ang Palawan bilang “Most Beautiful Island in the World” ng international magazine na Travel + Leisure, habang noong nakaraang taon lang ay hinirang na “Top Island in the World” ng Condé Nast Traveler magazine ang Boracay Island sa Aklan. (Dianara T. Alegre)