MAAARING abutin ng ilang buwan, o maaaring taon, ang pagbusisi sa mga detalye tungkol sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng South Korean noong Oktubre 2016. Napaulat na isinama siya mula sa kanyang bahay sa Angeles City, Pampanga, ng mga armadong lalaki sa pangunguna ng mga operatiba ng Anti-Illegal Drugs Group ng Philippine National Police (PNP).
Dinala ang negosyante sa Camp Crame, Quezon City, sakay sa sarili niyang sasakyan na ipinarada sa labas ng tanggapan ng PNP Public Information Office. At doon, ayon sa mga resulta ng imbestigasyon, ay sinakal siya ng isang pulis. Sa araw din na iyon, tumawag ang pulis sa maybahay ng negosyante para humingi ng ransom at nagbigay naman ang ginang ng P5 milyon. Humingi pa ang pulis ng karagdagang P4.5 milyon. Dinala naman ang bangkay sa isang punerarya sa Caloocan City para sa halagang P30,000 at ang mismong golf set ng biktima.
Ito ang mga inisyal na detalye ng kaso ngunit sapat na ang mga ito upang umani ng matitinding katanungan ang gobyerno kaugnay nito. Nagsasamantala ba ang ilang pulis sa kampanya ng pulisya laban sa droga upang maisagawa ang kani-kanilang ilegal na aktibidad? Noong Setyembre ng nakaraang taon, matatandaang pinatay ng dalawang magkaangkas sa motorsiklo ang regional chairperson ng Citizen Crime Watch habang nakatayo ang huli sa harap ng kanyang bahay sa Gloria, Oriental Mindoro. Tinugis ang mga salarin hanggang masakote; at natuklasang mga pulis sila, ang isa sa kanila ay hepe pa nga ng pulisya ng kalapit na bayan.
Sa kaso ng South Korean, pinatay umano siya sa loob ng Camp Crame, malapit lang sa tanggapan ng mismong hepe ng PNP. Tunay na nga bang wala nang respeto sa pulisya at sa mga opisyal nito ang ilan kaya nagawa ang pamamaslang sa mismong national headquarters ng PNP?
Ang biktima, si Jee Ick-joo, ay dating ehekutibo ng South Korean heavy industries firm na Hanjin, na gumagawa ng mga barko sa Subic. Napaulat na nagpahayag si South Korean Foreign Minister Yun Byung-se ng “grave shock” kaugnay ng pagkakasangkot ng ilang pulis sa pagpatay. Paano makaaapekto ang insidenteng ito sa ugnayan ng ating bansa sa South Korea?
Nagtungo ang biyuda ni Jee, si Choi Kyung-jim, sa National Bureau of Investigation (NBI) upang mag-usisa tungkol sa kaso, at sinabi ni Director Roel Bolivar, hepe ng Task Force on Illegal Drugs, na ikinuwento sa kanya ng ginang ang plano nito at ng asawa na manirahan na sa Pilipinas, magtayo ng negosyo, at magtatag ng isang foundation para sa mahihirap na batang Pinoy. “They wanted to grow old here, permanently stay here in the Philippnes,” ani Bolivar.
Maraming iba pang Korean ang nakatira ngayon sa maraming komunidad sa bansa; magkakaroon kaya ng epekto ang kaso sa mga plano nilang dito na manirahan?
Marami nang tanong ang nagsusulputan dahil sa isang kaso. Hinihimok natin ang gobyerno na bigyan ng prioridad ang kaso ng pagdukot at pagpatay kay Jee Ick-joo upang mapagtagni-tagni ang pira-pirasong detalye at ganap na mabigyang tugon ang mga katanungan.