ISULAN, Sultan Kudarat – Hindi maikakaila ang unti-unting paglalaho ng mga tanim na niyog sa Sultan Kudarat, at kinumpirma ng dating provincial agriculturist na halos 70-80 porsiyento ng mga punong niyog ang naglaho, kasabay ng pagdami ng nakikinabang sa coco lumber.

Ayon kay Engr. Nestor Casador, retiradong agriculturist ng Sultan Kudarat, na dati ay malawak at sagana ang taniman ng niyog sa lalawigan, ngunit ngayon ay halos maubos na ang mga ito dahil marami, aniya, sa mga dating puno ay naging coco lumber bilang muwebles sa loob ng mga tahanan.

Maging ang ilang kilalang magniniyog sa lalawigan ay nagsabing pinipili na lang nilang putulin ang mga punong niyog nila dahil hindi nila napakikinabangan o “unproductive” na ang mga ito.

Ang pinutol na puno, anila, ay ibinebenta nila sa gumagamit dito sa pagpapatayo ng mga istruktura.

Probinsya

PCG personnel, kasama sa mga nasawing biktima sa SCTEX road crash; naulila ang 2-anyos na anak

Pinili naman ng ilang magniniyog na magtanim na lang ng pagkukuhanan ng palm oil at iba pang produktong agricultural ang dating taniman nila ng niyog.

Gayunman, sinabi ni Abunawas Abdulasis, al hadz, ng Tacurong City Environment and Natural Resources Office (CENRO), na minsan nang nakipag-ugnayan ang pamunuan ng Philippine Coconut Authority (PCA) sa mga magniniyog sa Sultan Kudarat upang tuluyan nang ipagbawal ang pamumutol sa mga nalalabing puno ng niyog sa lalawigan.

Nilinaw din ni Abdulasis na sang-ayon siya sa pagputol sa mga puno kung matutukoy sa ebalwasyon na hindi na nga ito kapaki-pakinabang, ngunit mahalagang may nakatanim nang kapalit nito bago gawing coco lumber ang puno.

Nakikipag-ugnayan na rin ang CENRO sa mga magniniyog at mga lokal na pamahalaan upang maiwasan ang tuluyang paglalaho ng industriya ng niyog sa Sultan Kudarat. (Leo P. Diaz)