KAYA bang maabot ng anak ang pedestal na naabot ng mga ama?

Para kina Jaybop at Jhunvie Pagnanawon, gayundin kay Julius Mark Bonzo, mahirap lagpasan, ngunit kayang pantayan ang tagumpay ng kanilang mga ama sa mundo ng cycling.

Sa isang koponan – ang Bike Extreme – magkakasama ang tatlo para sa iisang layunin, ang magtagumpay sa sports na kinamulatan nila at naging daan para sa maayos na kabuhayan ng kanilang mga ama.

Magaganap ang katuparan ng kanilang layunin sa pagsabak sa LBC Ronda Pilipinas 2017 edition simula sa Pebrero 4 hanggang Marso 4.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sina Jaybop at Jhunvie ay anak ni Rolando Pagnanawon, kinatakutan at iginalang sa pamosong Marlboro Tour ilang dekada na ang nakalilipas, habang ang ama ni Julius Mark na si Romeo at tiyuhin na si Modesto ay kapwa gumawa ng pangalan sa taunang karera noong 1983 at 1976, ayon sa pagkakasunod.

Nananalaytay sa kanilang ugat ang dugong kampeon, kung kaya’y mabigat ang pasanin sa balikat nang tatlong papasikat na siklista.

“I dream of becoming champion someday because I want my family to be proud of me,” pahayag ni Bonzo, 26, mula sa Sual, Pangasinan.

Tulad niya, naghahanap din nang matitirikang puwesto sa mundo ng cycling ang Pagnanawons.

Gahibla lamang ang naging distansiya ni Jaybop sa nangunang si George Luis Oconer ng Go for Gold sa Visayas qualifying race nitong Disyembre.

“I just want to be like my father and winning this race will be meaningful for me and my family,” pahayag ng 27-anyos na si Jaybop, pambato ng Talisay, Cebu.

Makakasama ng magkapatid na Pagnanawon sa layuning makamit ang overall championship sa prestihiyosong torneo sina Mindanao pride James Paulo Ferfas, Arjay Kaul, Michael Ochoa at Alvin Mandi, anak ng matibay ding siklista na si Loreto noong dekada 90.

Tumataginting na P1 milyon ang premyo na naghihintay sa kampeon sa torneo na itinataguyod ng LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Victory Liner, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.

Kabilang din sa mga koponan na maghahangad sa overall title ang Team Navy, Go for Gold, Neopolitan, Ilocos Sur, Iloilo, Mindanao, South Luzon, Kinetix Lab-Army, Zambales, Salic at One Tarlac.

Magsisimula ang karera sa Pebrero 4 na may dalawang stage sa Ilocos Sur at tatahak sa Angeles (Feb. 8), Subic (Feb. 9), Lucena, Quezon (Feb. 12), Pili, Camarines Norte (Feb. 14 at 16), Daet (Feb. 17), Paseo in Sta. Rosa, Laguna (Feb. 19), Tagaytay at Batangas (Feb. 20), Calamba at Antipolo (Feb. 21) bago ang huling hirit sa Iloilo City (March 2, 3 at 4).