SA kabila ng nakatutulig nang mga pahayag hinggil sa paglipol sa illegal gambling, lalong nakatutulig ang mga ulat na patuloy pa rin ang pamamayagpag ng jueteng – isang uri ng sugal na itinuturing na kasing-tanda na ng panahon. Kahit kailan, hindi ako makapaniwala na ang natural illegal numbers game ay ganap na mabubura sa mukha ng ating planeta, wika nga.

Naniniwala ako sa matatag na paninindigan ng Duterte administration na ang pagsugpo sa jueteng ay dapat isabay sa maigting na kampanya laban sa ilegal na droga, kriminalidad at kurapsiyon sa gobyerno. Ang lahat ng ito ang pinag-uugatan ng lahat ng kasamaan na pumipinsala sa sambayanan at sa bansa, lalo na sa mga kabataan.

Ito ang dahilan kung bakit gayon na lamang ang pagbabanta ni Pangulong Duterte sa sinumang magiging balakid sa pagpuksa ng mga kasamaan. Walang kagatul-gatol ang kanyang pagbabanta sa mga makikisangkot sa illegal drugs, pagbabanta na hindi ko matiyak kung may kaakibat na pagbibiro: Papatayin ko kayo.

Natitiyak ko na malayo na ang narating ng kampanya laban sa droga at kriminalidad; gayundin ang pagsibak sa mga tiwaling lingkod ng bayan. Katunayan, libu-libo na ang napapatay na mga lulong sa droga na ayaw kumalas sa masamang bisyo; halos umabot na isang milyong user, pusher at drug lord ang sumusuko, bukod pa rito ang daan-daan ding naaresto at nakapiit na. Patuloy ang ganitong operasyon hanggang sa, sabi nga ng Pangulo, hindi nalilipol ang pinakahuling sugapa sa illegal drugs.

Ngunit hindi nagbabago ang aking pag-aalinlangan na mapupuksa ang jueteng. Marami nang matitinding pagtatangka ang ginawa ng nakaraang mga administrasyon laban sa nasabing sugal na humantong lamang sa kawalan. Halos hindi nasalang ang mga local officials – gobernador, mayor, barangay chairman at mismong mga alagad ng batas – sa pagkunsinti sa jueteng; kabi-kabila ang bolahan at ito ay ginawang palabigasan ng mapagmalabis na lingkod ng bayan. May pagkakataon na maging ang ilang alagad ng simbahan ay hindi tuwirang nakinabang sa biyayang nagmumula sa mga sugal na pinamamahalaan ng PCSO at Pagcor.

Ang limpak-limpak na jueteng money ay magugunitang naging ugat... din ng pagsasampa ng impeachment case sa Senado laban sa isang dating Presidente ng bansa. Nalantad din ang ilang Senador at Kongresista na umano’y tumanggap ng mga suhol mula sa mga gambling lords; ang nakalululang halaga ay inihahatid pa sa kanila ng mga whistleblower na nagbulgar ng gayong mga katiwalian.

Tinangka ng hinalinhang administrasyon na lipulin ang jueteng. Totoo, nailihis ang ating paniniwala sa pag-iral ng naturang sugal sa pamamagitan ng pagsasabatas ng Small Town Lottery (STL). Subalit lumitaw na ito ay isang estratehiya upang gawing legal ang jueteng.

Patunay ito na mananatili ang isang sugal na kasing-tanda ng kabihasnan, kahit ipawalang-bisa pa ang batas na lumikha sa STL. (Celo Lagmay)