KUNG hindi magbabago ang takbo ng imbestigasyong magkahiwalay na isinasagawa ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa kasong kidnap for ransom ng Koreanong si Jee Ick-Joo, ay mukhang ‘di na mapipigilan ang tumitinding salpukan ng dalawang pangunahing ahensiya ng pamahalaan.

Higit na lumalalim ang hidwaang ito nitong mga nakaraang araw nang magpalitan na ng akusasyon ang magkabilang kampo na may manipulasyong ginagawa ang isa’t isa upang mapatunayang may protektor na mas mataas na opisyal ang pangunahing suspek na si SPO3 Ricky Sta. Isabel kaya malakas ang loob nito na pasukin ang TOKHANG FOR RANSOM, ang tawag sa bagong operasyon laban sa droga na nauuwi sa kidnap for ransom lalo pa’t ang target ay mga mayamang banyaga na nagnenegosyo sa bansa.

Nagsimula ang patutsadahan sa pagitan ng dalawa nang biglang tumakbo sa kampo ng NBI si SPO3 Sta. Isabel, na noong una’y labas-masok pa sa Camp Crame kahit alam na niyang iniimbestigahan na siya ng PNP hinggil sa pagkawala ng Koreano sa bahay nito sa Angeles, Pampanga noong Oktubre ng nakaraang taon, nang biglang sumingaw na nagbigay na ng P5 milyong ransom ang asawa ng biktima ngunit hindi pa rin inilitaw ng mga kidnaper ang Koreano.

Nagpupuyos sa galit si Chief PNP Ronald “Bato” dela Rosa sa pagsuko ni SPO3 Sta. Isabel sa NBI kaya biglang naglitawan ang mga ebidensiya pati na nga ang dalawang testigong pulis na nakasama raw nito sa pagdukot at pagpatay sa biktima sa loob pa mismo ng Camp Crame. Dito na rin naglabas ng ebidensiya ang NBI na galing naman sa asawa ng suspek na si Jinky. Mga larawan, video at mga voice clip na magpapatunay na “framed up” lamang ang inaabot ni SPO3 Sta. Isabel mula sa mismong mga opisyal niya sa PNP na may kinalaman sa kaso.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Gustong patunayan ng PNP na kagagawan lamang ito ng mga Narco Generals, ginagamit ang kaso ni SPO3 Sta. Isabel sa pamamagitan ng NBI, para sirain ang matagumpay raw nilang programa laban sa droga. Sa panig naman ng NBI, pinatutunayan lamang nila na may mga pulis na magpahanggang sa ngayon ay pilipit pa rin ang mga lakad, gaya nga ng TOKHANG FOR RANSOM.

Sa palagay ko naman, parang... parehong nagsasabi ng totoo ang nasa magkabilang kampo – kaya nga sa kanilang pagbubulgar, unti-unti nilang nailalabas ang mga bahong matagal nang itinatago at itinatanggi na dapat namang malaman ng madla. Sa madaling sabi, sa pagbabatuhan nila ng baho – ang mamamayan ang makikinabang – “Malalaman natin ang katotohanan at ang katotohanan ang magpapalaya sa atin.” – John 8:32

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)