HINDI pa man umaamin na may relasyon sila ni Sebastian “Baste” Duterte, kinumpirma na ni Ellen Adarna noong Lunes na hiwalay na sila nito.
Umusbong ang mga espekulasyon nang mag-post ang aktres ng litatro ni Rico Blanco sa Instagram account nito, na may nakakaintrigang caption na “Dito pala may forever.”
Isang avid fan ng Team Baste, @gorgeouslyl09 , ang naglakas-loob na magtanong sa dalaga kung bakit hindi na siya nagpo-post ng litrato ng binata na kaagad din namang sinagot ni Ellen, “Hindi na po kami. 2016 pa po ‘yon. Bagong taon na. At para manahimik na tayong lahat.”
Ito ang unang pagkakataon na naglabas ang dalaga ng detalye tungkol sa tunay na estado ng relasyon nila ng anak ni Pangulong Rody Duterte. Matatandaan na ilang beses niyang itinanggi sa media ang relasyon nila simula nang kumalat sa social media noong nakaraang Nobyembre ang larawan nilang dalawa na naghahalikan.
Unang kumalat ang usap-usapan tungkol kina Ellen at Baste noong nakaraang Mayo nang mag-post si Ellen ng larawan nila ni Baste sa Siargao Island nang magdiwang ng kaarawan si Beauty Gonzales na malapit na kaibigan ng dalaga.
Kaya ang biruan ngayon sa showbiz, dumarami ang magagandang aktres na magkakampo sa “Camp Sawi”. Unang umamin si Arci Muñoz na break na sila ni Badi del Rosario, na anak ni Prince Jefri Bolkiah ng Brunei. Nitong nakaraang linggo, umamin naman si Bela Padilla na break na sila ni Neil Arce.