Isang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki ang nasilayang palutang-lutang sa baha sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Napalusong sa baha ang mga tauhan ng Scene on the Crime Operatives (SOCO) para masuri ang biktima na tinatayang nasa edad 40-50, may taas na 5’6”, balingkinitan, nakasuot ng maong na pantalon at pulang t-shirt.

Ayon kay Teody Charita, barangay kagawad, may tumawag sa barangay hall at iniulat na may lalaking binaril sa 2nd street, Barangay 119, Caloocan City, dakong 10:30 ng gabi.

“Tumawag na po kami ng pulis at nang magresponde na kami ng mga tanod, nakita namin na may nakalutang na bangkay,” ani Charita.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa pagsusuri ng SOCO, ang biktima ay may mga tama ng bala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.

Ayon kay Charita, posibleng nakursunadahan lamang ang biktima nang dumaan ito sa nasabing lugar.

“Hindi ko kakilala malamang dayo lang ‘yan at nakursunadahan. Siguro napagkamalang pulis,” ayon kay Charita.

(Orly L. Barcala)