MARAMING fans ng Encantadia, fans ni Kylie Padilla at fans ng Ybramihan love team ng fantaserye ang galit kay Aljur Abrenica dahil sa pagbubuntis ng dalaga.
Sinugod si Aljur ng fans sa Instagram, inaaway at pinagsasalitaan ng masasama at sinisisi sa nangyari kay Kylie.
Ilang halimbawa ng pamba-bash kay Aljur, “Bwisit ka pashnea ka, sana hindi ka na lang nakilala ni Kylie at may career pa sana siya ngayon. Sana talaga panindigan mo ‘yang mag-ina mo kasi gagawin ka talaga naming firewood pag hindi.”
Meron pang, “Magpatawas ka na, kasi grabe na ‘yung bad vibes na dala mo sa mga nakapaligid sa ‘yo. Dinamay mo pa si Kylie,” at “Dinamay mo pa si Kylie sa pagkalaos mo. Paano na career niya, hunghang ka.”
Isa pang comment, “Tama bang binuntis gf na hindi pa kasal. Lakas ng loob kasi alam niyang patay na patay si Kylie sa kanya. Hindi man lang niya muna inunang makuha ang loob ni Robin Padilla na ayaw sa kanya noon. Wala na ngang career, hinatak pa pababa ang gf. Inisip lang siguro nito na madadamay siya sa kasikatan ng gf kaya nakipagbalikan. Puro hangin lang ang utak ng mayabang na ito. Hindi man lang naisip gumamit ng condom hangga’t hindi pa kasal.”
Ang sabi, tatlong buwang buntis si Kylie, pero hindi raw ito magsasalita, at hindi rin magsasalita si Aljur. Wala pa ring pahayag ang GMA Network kung ano ang mangyayari sa career ni Kylie at sa Encantadia at kung ano ang mangyayari sa kontrata niya sa network.
Ayaw ng fans ni Kylie at viewers ng Encantadia na mawala siya sa fantaserye, nakikiusap sila kay Direk Mark Reyes na huwag patayin ang karakter niya bilang si Reyna Amihan. Kung papatayin man, buhayin uli at bigyan ng mga eksenang walang fight at action scenes para hindi maapektuhan ang ipinagbubuntis.
May mga nagtatanggol din naman kay Aljur, ‘wag na lang daw nitong pansinin ang bashers at paghandaan na lang ang pagdating ng baby nila ni Kylie na isang malaking blessings sa kanilang dalawa.
May nagpayo kay Aljur na maging mabuting ama sa magiging anak nila ni Kylie, maging mabuti kay Kylie at pakasalan ito sa tamang panahon at ‘pag wala ng problema. (NITZ MIRALLES)