Tinutugis na ng Southern Police District ang apat na suspek na posibleng may kinalaman sa pagpatay at pagtapon sa pugot na bangkay at sa ulo ng isang babae, na “appears to belong to one person”, sa Bulacan at Makati City nitong unang bahagi ng Enero.

Sinabi kahapon ni Chief Superintendent Tomas Apolinario Jr., SPD director, na naglunsad na sila ng manhunt operation laban sa dalawang lalaki at dalawang babae.

Gayunman, hindi muna pinangalanan ang mga suspek upang hindi mapurnada ang imbestigasyon.

“Yes, may lead na ang binuo nating special investigation task group (SITG) sa kanila (suspek) and hopefully within three days may development na tayo,” ayon kay Apolinario.

National

Orange warning, itinaas sa Metro Manila, mga kalapit na lugar

Matapos ang press conference sa SPD headquarters sa Taguig City nitong Lunes, sinabi ni Apolinario sa Balita na ang pugot na bangkay at ang ulo “appears to belong to one person” base sa ikalawang imbestigasyon na kanilang isinagawa.

Ang ikalawang imbestigasyon, ayon kay Apolinario, ay base sa pagkilala ng mga kaanak ng biktima, mga palatandaan sa katawan, at ang suot na damit ng biktima nang siya’y matagpuan.

“But we still have to wait for the primary confirmation, yung resulta ng DNA (ng biktima) para masigurado,” paglilinaw ni Apolinario.

Nag-viral sa social media na ang biktima ay si Richelle Sagang.

Kinumpirma mismo ni Makati police chief Senior Supt. Milo Pagtalunan na isang Noel Sagang ang nagsasabing siya ang ama ng biktima.

“Lumalabas na nagtugma ‘yung physical descriptions ng tatay doon sa anak niya at sa katawan nang puntahan niya sa morgue sa Bulacan. May nunal sa kanyang balikat, yes, nagkatugma naman pati ‘yung itim na damit at asul na pang-ibaba,” ayon kay Pagtalunan.

Ngunit sa kabila nito, sinabi ni Apolinario na hihintayin pa muna ang resulta ng DNA upang makumpirma ang pagkakakilanlan ng biktima. (MARTIN SADONGDONG at BELLA GAMOTEA)