HINDI ko tatangkaing makisawsaw sa masasalimuot at nakadidismayang eksena ng karumal-dumal na krimen sa loob mismo ng Camp Crame – ang kaharian ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na ang pangunahing misyon ay maglingkod at mangalaga (to serve and protect) sa sambayanang Pilipino. Ang naturang isyu ay tinututukan na ng Department of Justice (DoJ) at ng iba pang ahensiyang pangseguridad. Plano ring makisakay ng Kongreso sa imbestigasyon na inaasahang hindi mababahiran ng pagtatakipan; upang malantad ang tunay na mga salarin.

Manapa, nais ko lamang bigyang-diin ang aking paniniwala na hanggang ngayon ay may matinding breakdown o pagkasira ng disiplina sa mismong PNP. Marami pa rin ang hindi kumakalas sa mga tiwaling gawaing nagbibigay-batik sa isang organisasyon na dapat ay pinangungunahan ng mga huwarang alagad ng batas. Maaaring mangilan-ngilan lamang sila, subalit ang kamandag ng kawalan ng disiplina ay lumalason sa iba pang pulis na maipagmamalaki ng taumbayan; mga pulis na iginagalang at hindi kinatatakutan.

Nagdudumilat ang mga ulat na may mga pulis, lalo na ang mga bago-bago pa lamang sa humigit-kumulang sa 150,000 tauhan ng PNP, ay nasasangkot sa pagmamalabis sa tungkulin at sa iba pang nakakikilabot na krimen. Maging ang ilang opisyal ay isinisigaw na rin na utak ng kriminalidad, lalo na sa kasumpa-sumpang problema sa mga bawal na gamot. Katunayan, ang karamihan sa kanila, kabilang ang ilang heneral ay nakatala sa “narco list” ni Pangulong Duterte.

Kung minsan ay naglalaro sa aking isipan na ang discipline breakdown sa PNP ay sanhi ng mistulang pagkunsinti ng administrasyon sa pagkakamali at pagmamalabis ng ilang pulis. Ang ilang nasasangkot sa kahindik-hindik na krimen ay tila kinakatigan at inilalayo sa mga pananagutan, tulad ng pagkakapatay sa isang alkalde sa Leyte. Maging ang mga alagad ng batas ay mistulang inuudyukang pumatay ng mga sangkot sa illegal drugs lalo na kung ang mga ito ay manlalaban. Nangangahulugan ba na may sasagot sa pagkakasala ng mga pulis?

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Bigla kong naalala ang minsang ipinahiwatig ng Pangulo: Sagot ko ang lahat ng pulis na susunod sa aking utos. Ibig sabihin, siya ang mananagot kahit na siya ay makulong at mabulok sa bilangguan, lalo na kung ang mga alagad ng batas ay inatasang lipulin ang matinding problema sa droga.

Sa kabila nito, matindi rin ang babala ng Pangulo sa mga tiwaling pulis na lalabag sa batas: I’ve always said, “papatayin ko kayo.” Ang ganitong pahiwatig ay sapat na upang gisingin ang kamalayan ng mga alagad ng batas upang ganap na manumbalik ang tunay na disiplina sa PNP; upang maiwasan ang lubos na pagkasira o pagbagsak nito.

(Celo Lagmay)