Sa pagtitiyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na nananatili ang tiwala niya kay Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa, dapat na patunayan ng huli na karapat-dapat siya sa tiwala ng Presidente sa pamamagitan ng seryosong pagtutok sa paglilinis ng mga tiwali sa pulisya.
Ito ang naging panawagan ni House Speaker Pantaleon Alvarez matapos na una siyang umapela ng pagbibitiw sa puwesto ni Dela Rosa kaugnay ng pagdukot ng umano’y mga pulis sa negosyanteng Korean na si Jee Ick Joo at pagpatay dito sa loob mismo ng Camp Crame.
Sinabi ni Alvarez na inirerespeto niya ang desisyon ni Duterte na panatilihin sa puwesto si Dela Rosa.
“I have said my piece at ito naman ay siguro, sasang-ayon ako doon sa mga ibang nagmungkahi na bibigyan natin ng pagkakataon si Chief PNP natin na ayusin ‘yung mga gusot na hinaharap ngayon ng PNP,” sinabi ni Alvarez sa isang panayam ng radyo.
FRIENDS PA RIN
Dumalo sa ika-55 kaarawan ni Dela Rosa nitong Linggo kasama si Pangulong Duterte, nilinaw ni Alvarez na hindi personal ang naging panawagan niyang mag-resign si Dela Rosa at nananatili siyang kaibigan nito.
At ang birthday wish ni Alvarez kay Dela Rosa: “Unang-una, pangalagaan ‘yung health. At pangalawa ay talagang maging mahigpit at hard doon sa scalawags na natitira sa PNP.”
PURO ALIBI
Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya si Dela Rosa sa naging kumprontasyon nila ng pangunahing suspek sa kidnap-slay na si SPO3 Ricky Sta. Isabel nitong Linggo, dahil panay lang ang alibi nito sa kanya.
“I told him to go direct to the point, to tell the truth. He told his story but I was not satisfied because it was all self-defense, all alibi,” ani dela Rosa. “But still I accepted what he said. I asked for investigation of everything that he said.”
Sinabi rin ni Dela Rosa na ikinokonsidera rin nilang imbestigahan ang asawa ni Sta. Isabel na si Jinky makaraang magdaos ng press conference ang huli upang igiit ang pagiging inosente ng asawa.
(BEN R. ROSARIO at AARON B. RECUENCO)