TINATAKOT ba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte o isa na namang hyperbole ang mga pahayag niya tungkol sa pagdedeklara ng martial law? Ito ang tanong ng taumbayan at netizens bunsod ng paiba-ibang impresyon at interpretasyon sa usapin ng martial law na pinalulutang ngayon kaugnay ng matinding kampanya ni Mano Digong laban sa illegal drugs, kriminalidad, at kurapsiyon.
Nais nating ulitin: Walang kontra sa layunin ng ating Pangulo na puksain ang ilegal na droga na sumisira sa utak at kinabukasan ng mga kabataan at ng mamamayan. Halos lahat ng Pinoy ay suportado ito. Ang ikinababahala lang nila ay iyong tinatawag na EJK (extrajudicial killings) at HRVs (human rights violations) sa pagsasagawa ng operasyon ng mga tauhan ni General Bato na maging ang mga walang malay ay napapatay (collateral damage). Ang nais nilang itumba ni Gen. Bato ay ang big-time shabu suppliers/drug lords sapagkat kung walang supply na shabu, walang pushers at users sa mga kalye, lansangan at barung-barong.
Sa isang okasyon, napabalitang idedeklara ni PDu30 ang martial law na unang natikman ng mga Pilipino noong rehimeng Marcos, kapag ang mga pangyayari sa ‘Pinas (illegal drugs, kriminalidad at kurapsiyon) ay naging “very virulent” o masidhi raw at napakalala na. Wala raw makapipigil sa kanya maging ang Kongreso at Supreme Court.
Nang ito’y ibalita ng media at nag-react ng negatibo ang publiko, nagalit si Communications Sec. Martin Andanar at inakusahan ang media ng “misreporting” o maling pagbabalita. Sinabi pa ni Andanar na ang ganitong pagbabalita ay maituturing na “irresponsible journalism”.
Dahil dito, sumagot ang Malacañang Press Corps (MPC) at letra-por-letra (verbatim) na inilathala ang pahayag ni Pangulong Duterte tungkol sa posibleng deklarasyon niya ng martial law. Inilabas din ang video hinggil dito upang patotohanan kay Andanar at iba pang tagapagtanggol ni PDu30 na talagang sinabing hindi niya iintindihin maging ang Supreme Court sa isyung ito.
Anyway, niliwanag na ng ating Pangulo na wala siyang plano na ideklara ito, at kung idedeklara niya ito, hindi siya kikibo at basta na lang may martial law na. So, tahimik na lang ang lahat dahil hindi niya idedeklara ito.
Kung noon ay minura ni Pres. Rody si Pope Francis dahil nakalikha umano ang pagdalaw nito sa Pilipinas ng malaking trapiko at abala sa maraming Pinoy, ngayon naman ay sumulat siya nang personal kay Lolo Kiko at nagpapasalamat sa Philippine visit nito noong 2015. Bitbit ni Presidential adviser on the peace process Jesus Dureza ang nasabing liham na naglalaman ng “profound respect” at pasasalamat. “Our countrymen remember Your Holiness’ apostolic visit in 2015 with deep appreciation, knowing that it was made with most sincere regard for the welfare of the church’s flocks”.
Samakatuwid, hindi dahil sa trapiko.
Sa kabila nito, tuloy ang “pakikipagbakbakan” ni PDu30 sa mga pari at obispo ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas na inaakusahan niya ng pagiging “hyprocrites” o mapagkunwari dahil sa pagbatikos sa kanyang paglaban sa illegal drugs.
Binira niya ang Simbahan dahil sa panawagan nito na itigil na niya ang mga pagpatay sa pushers at users, na ngayon ay may 6,000 na ang biktima. Hinamon niya ang mga pari o obispo na tumikim ng shabu upang maunawaan ang pinsalang likha nito sa utak ng tao.
Naniniwala ang mga pinuno ng Simbahan na mahalaga ang buhay ng isang tao, na ito ay bigay ng Diyos kaya dapat na igalang at pagyamanin. Noong Traslacion (Enero 9), isang malaking babala ang inilagay ng pamunuan ng Quiapo Parish Church na “Huwag Kang Papatay”, ang ika-5 Utos ng Diyos. Ito raw ay patama kay Pres. Rody! (Bert de Guzman)