KAILANGANG nakapaloob ang pagpapasigla ng agrikultura sa programa ng Pilipinas kontra kahirapan, dahil karamihan ng mahihirap sa bansa ay nasa mga lalawigan.
Sa pagsisimula ng nakalipas na administrasyong Aquino, naglunsad ang Department of Agriculture ng isang pangmatagalang plano para sa kasapatan ng bigas, ang pinakamahalagang tanim sa bansa. Lumikha ang mga siyentista at mananaliksik ng bagong uri ng bigas na hindi lamang masagana ang ani kundi hindi naaapektuhan ng pagbabaha, matinding tagtuyot at karaniwang mga peste. Gayunman, nabigo ang programa na maisakatuparan ang kasapatan ng bigas. Patuloy na umaangkat ang bansa ng daan-daang libong metriko-tonelada ng bigas mula sa Thailand at Vietnam.
Umaasa ang bagong administrasyong Duterte na matatapos na ang walang katapusang pag-aangkat ng bigas. Isang inisyatibo ang planong pagkalooban ang mga nagtatanim ng palay ng libreng irigasyon o patubig. Kabilang ang P2-bilyon pondo sa kaaaprubang National Budget for 2017 upang saklawin ang pondo na karaniwan nang kinokolekta ng National Irrigation Administration mula sa mga magsasaka. Nakasalang ngayon sa Kongreso ang Free Irrigation and Reform and Restructuring Act upang opisyal nang maging polisiya ng gobyerno ang pagkakaroon ng libreng irigasyon.
Pinaniniwalaang ang mechanization ang susi sa pagsasamoderno ng agrikultura ng Pilipinas at pumayag ang Japan, na ang pinunong si Prime Minister Shinzo Abe ay bumisita sa bansa kamakailan, na tumulong sa proyekto sa farm mechanization na gagastusan ng hanggang P1 bilyon.
Sa una ay sasaklawin nito ang 10,000 ektarya, na hahatiin sa sampung module, pangangasiwaan ng mga samahan ng mga magsasaka na pagkakalooban naman ng mga traktora, mga transplanter, mga harvester, mga pasilidad sa pagpapatuyo, imbakan at pagpoproseso ng palay. Sasagutin ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang kalahati ng gastusin sa kagamitan. Ipagkakaloob din nito ang kinakailangang teknolohiya hindi lamang upang matiyak ang maayos na pagtatanim kundi upang maiwasan ang mga pagkalugi pagkatapos ng anihan na umaabot sa 23 porsiyento ng mga ani.
Sinabi ni Secretary Emmanuel Piñol na ang proyektong suportado ng JICA ay dapat na magsilbing demonstrasyon sa mga magsasaka sa bansa upang matukoy ang malaking kaibahan na maidudulot ng paggamit ng mga makina sa pagtatanim. Nagsimula na ring makipagpulong ang kalihim sa mga pangunahing negosyante sa bansa upang humingi ng ayuda sa pagpopondo at marketing.
Mga bagong uri ng masaganang ani ng bigas, libreng irigasyon, pagpopondo at marketing, at ngayon, ang paggamit ng mga makina—kapag naisakatuparan nang maayos ang lahat ng ito, masasaksihan na natin ang matagal nang pinakahihintay na pagsulong ng agrikultura sa Pilipinas.