PUGO, La Union – Isinusulong ng lokal na pamahalan ng Pugo na maibalik ang katutubong paraan ng pagluluto gamit ang kawayan, o tinatawag na tubong, sa paglulunsad ng kauna-unahang Tinungbo Festival.
Labing-apat na barangay at limang eskuwelahan ang nagpahusayan sa iba’t ibang putahe na kanilang niluto sa buho ng kawayan sa Tinungbo Cookfest nitong Sabado.
“Ang alam ng marami ay malagkit lang ang niluluto sa buho, pero rito (sa Pugo) ay pagkain ang iluluto,” sabi ni Mayor Priscilla Martin. “Pinag-isipan muna namin, kasama ang mga elder, kung ano ang puwedeng i-promote sa aming bayan, at naisip nila itong tinungbo. Gusto nilang maibalik ang tradisyon ng indigenous cooking, at sa pamamagitan ng festival na ito ay nais naming i-promote ito, hindi lamang sa aming bayan.”
Tinanghalian ng mga dumalo sa cookfest ang mga iniluto sa buho, kabilang ang kanin, pinakbet, sinigang, nilaga, adobong isda at marami pang iba. Tanging asin at bagoong lang ang ginamit na pampalasa sa nasabing mga putahe. (Rizaldy Comanda)