MATINDI ang banat ng Pangulo sa Simbahang Katoliko. Kasi sa kongreso ng kaparian na ginaganap kamakailan, nang kapanayamin ang ilang Obispo, hindi nila napigil ang kanilang mga sarili na punahin ang araw-araw na patayan na nangyayari sa ating bansa. Ang kampanya raw laban sa ilegal na droga ng Pangulo ay pawang mga dukha ang nabibiktima.

Hindi na raw sila nabibigyan ng pagkakataon na magsisi at magbago. “Walang moral ascendancy ang Simbahan,” wika ng Pangulo, “para batikusin ako.” Bago, aniya, tingnan ng kaparian ang ginagawa niya, tumingin muna sila sa salamin.

Saan napupunta ang abuloy ng mga mananampalataya? Tanong ng Pangulo. Wala naman daw ginagawa ang Simbahan para mapuksa ang ilegal na droga at magtayo ng rehabilitation center. Inungkat pa niya ang mga naiulat na kasalanan ng ilang pari na nangmomolestiya ng mga kabataan. Sa Davao, aniya, kung dalawa ang aking asawa, ganoon din daw ang mga paring kakilala niya. May ipinababasa pa siyang aklat na naglalaman ng mga hindi magandang ginagawa ng mga pari.

Inaamin naman ng mga pari na mayroong ilan sa kanila na gumagawa ng mga ibinibintang ng Pangulo. Tao lang din silang nagkakamali, pero iniimbestigahan daw nila ang mga ito at nilalapatan nila ng kaukulang remedyo. Ang pera ng Simbahan ay hindi lang pari ang may kontrol. May Parish Pastoral Council, ayon sa mga pari, na binubuo ng mga parishioner na namamahala ng salapi at nakakaalam kung saan ito ginagastos.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Sa lahat ng ‘hindi ko na kaya,’ nanatili Siyang tapat

Dahil ganito nga ang tingin ni Pangulong Digong sa Simbahang Katoliko, puwede niyang bigyan ng katwiran ang hindi niya pagkilala sa moral ascendancy nito sa kanya. Pero, ayaw niyo rin bang kilalanin ang sinasabi nito na siyang itinuturo at aral ng Panginoong Diyos na... mahalin mo, at huwag kang papatay ng iyong kapwa? Hindi rin lang naman ang Simbahan ang nababahala sa mga brutal na pagpatay na ginagawa ng administrasyong Duterte.

“Ang mga guerilla,” wika ni communist Chief Negotiator Fidel Agcaoili “ay nababahala sa malupit at walang-awang pamamaraan laban sa ilegal na droga na nag-iwan na ng 6,000 patay.” Mga inosenteng sibilyan ang napapatay sa padalus-dalos at wala nang pinipiling sistema ng pamamaslang ng mga pulis. Dapat daw ay baguhin ng Pangulo ang kanyang prayoridad sa paglutas ng higit na malaking problema ng kahirapan sa pamamagitan ng social at economic reforms.

(Ric Valmonte)