Pinagbabaril ang isang barangay chairman habang abala ito sa pangangasiwa sa pista sa Tondo, Maynila nitong Linggo.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa pigi at nasa maayos nang kondisyon si William Ypon, alyas “Chengay”, barangay chairman ng Barangay 101, Tondo, Maynila at residente ng Building 26, Unit 305, Bgy. 101, Katuparan, Vitas, Tondo.
Sa ulat ni Police Supt. Robert Domingo, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 1, dakong 4:30 ng hapon kamakalawa nangyari ang insidente sa pagitan ng Building 26 at 27 sa Vitas, Tondo.
Nauna rito, abalang-abala umano ang biktima sa pag-aasikaso sa mga aktibidad na bahagi ng nasabing pagdiriwang.
Habang nagkakasiyahan, bigla na lang umanong nakarinig ang mga residente ng sunud-sunod na putok ng baril.
Nagulat na lang umano si Barangay Treasurer Armando Valles nang makitang may umaagos na dugo mula sa hita ng biktima, na noon ay katabi niya, kaya kaagad itong isinugod sa ospital.
Naniniwala umano ang biktima na posibleng constituent niya ang may kagagawan ng krimen matapos niyang irekomenda ang pagsasagawa ng Oplan Tokhang sa kanyang nasasakupan. (Mary Ann Santiago)