KANSAS CITY, Missouri — Mula sa pagiging construction worker, umangat ang pamumuhay ni Yordano Ventura dahil sa baseball.
Sa edad na 25-anyos, isa nang ganap na milyonaryo ang ipinagmamalaki ng Dominican Republic bilang premyadong pitcher ng Kansas City Royals sa major league.
Hindi malilimot si Ventura sa makasaysayang tagumpay ng Royals sa World Series nitong 2015. Ngunit, sa isang iglap, ang pagdiriwang ay napalitan ng paghihinagpis.
Tinaguriang ‘Ace’, sinawing-palad si Ventura nang mamatay matapos bumangga ang sinasakyang sports car sa highway sa kanyang bayan sa San Adrian nitong Linggo (Lunes sa Manila).
“Our team and our organization is hurting deeply,” pahayag ni Royals general manager Dayton Moore sa opisyal na pahayag hingil sa aksidente. “It’s certainly something that puts everything into strong perspective, and challenges us all to never grow tired or weary or cease to do what is right, and loving others. Nobody is guaranteed tomorrow.
“We loved Yordano. We loved his heart, we loved who he was as a teammate, a friend. He was somebody that challenged us all and made us better and I’m going to miss him,” aniya.
Batay sa report ng highway patrol spokesman Jacobo Mateo, naaksidente si Ventura habang binabaybay ang highway may 40 milya northwest sa kapitolyo ng Santo Domingo. Hindi naman naipahayag kung si Ventura ang nagmamaneho nang maganap ang insidente.
Siya ang ikalawang batang star pitcher na namatay sa nakalipas na apat na buwan. Nitong Setyembre, namatay si Marlins ace Jose Fernandez sa edad na 24 matapos bumangga ang sinasakyang motor boat sa Miami Beach.
Kasabay nito, namatay din sa hiwalay na aksidente si dating major league infielder Andy Marte sa Dominican Republic.
Ayon sa ulat, ang insidente ay naganap may 95 milya ang layo sa kapitolyo.
Ilang major league player ang namatay sa parehong aksidente sa Dominican Republic tulad nina Oscar Taveras, Jose Oliva, Rufino Linares at Jose Uribe.
Ibinaba ng Royals sa half-staff ang bandila sa Kauffman Stadium at inilagay sa gitna ng ballpark ang larawan ni Ventura bilang paggunita sa kanyang ala-ala.
Sama-sama ring nagdalamhati ang kanyang Royals teammates at idinaan ang kanilang pakikiramay sa social media, tulad ng Twitter at Instagram.
“I love you my brother. I’m in disbelief and don’t know what to say,” pahayag ni first baseman Eric Hosmer.
Nakatakdang ihimlay ang kanyang mga labi sa Martes (Miyerkules sa Manila) at inaasahang dadalo ang kanyang mga teammates at opisyal ng Royals.
“Today is a very sad day for our entire game and particularly for the many loyal fans in the Dominican Republic, the home of both Yordano Ventura and Andy Marte,” pahayag ni Commissioner Rob Manfred.