BUTUAN CITY – Apat pang bayan sa Caraga region ang isinailalim sa state of calamity.
Nadagdag ang mga bayan ng San Luis, La Paz at Esperanza, pawang sa Agusan del Sur; at ang Las Nieves sa Agusan del Norte sa mga nasa state of calamity nitong Sabado at Linggo dahil sa matinding pinsalang idinulot ng pagbabaha, na epekto ng tail end of cold front, sa nakalipas na apat na araw.
Una nang isinailalim sa state of calamity ang Loreto sa Agusan del Sur at ang Jabonga sa Agusan del Norte.
Bahagyang napinsala ng baha sa Caraga, partikular sa Barangay Panagangan sa La Paz, ang 223 bahay habang 176 na iba pa ang nawasak at tinangay pa ng baha.
Bukod sa tatlong kumpirmadong nasawi sa pagkalunod, 23 pa ang nasugatan, batay sa datos ng regional monitoring and action center ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Region 13.
May kabuuang 10,158 pamilyang evacuees, o 44,877 indibiduwal, ang naapektuhan ng baha sa limang lalawigan at anim na siyudad sa Caraga, ayon kay DSWD-13 Director Mita Chuchi G. Lim. (Mike U. Crismundo)