ZAMBOANGA CITY – Nagpalabas kahapon ng babala si Zamboanga City Health Officer Dr. Rodelin Agbulos sa mahihilig maglunoy matapos matuklasang maraming pampubliko at pribadong beach sa lungsod ang may mataas na fecal coliform bacteria, na lubhang mapanganib sa kalusugan ng tao.
Partikular na tinukoy ni Agbulos ang Cawa-Cawa Beach, na nakapagtala ng 1,488.3 MPN fecal coliform level.
Sinabi rin niya na mataas din ang naitalang fecal coliform sa mga kalapit ng Cawa-Cawa, gaya ng Golf and Country Club Beach, Caragasan Beach at Bolong Beach.
Ang standard fecal coliform level para sa isang beach ay dapat na hanggang 200 MPN lamang.
Ayon kay Agbulos, naghahanda na ng mga karatula ang kanyang tanggapan upang ilagay sa mga nabanggit na beach bilang babala sa publiko kaugnay ng delikadong epekto ng bacteria sa kalusugan.
Ang fecal coliform bacteria ay nagmula sa dumi ng tao at hayop na nasa baybayin ng siyudad.
Maraming tagalungsod ang tumatangkilik sa Cawa-Cawa, na tinaguriang “poor’s man beach” dahil walang entrance fee na sinisingil dito. (Nonoy E. Lacson)