WASHINGTON (Reuters/AFP) – Ihinalintulad sa protesta laban sa Vietnam War ang pagdagsa ng hindi inaasahang napakalaking bilang ng kababaihan sa mga kalye sa maraming lungsod sa United States noong Sabado upang magprotesta laban kay U.S. President Donald Trump.

Daan-daang libong kababaihan – karamihan ay nakasuot ng pink knit hats na nagpapaalala sa mga komento ni Trump na ikinagalit ng marami – ang pumuno sa mga kalye sa Washington patungo sa White House at National Mall. Daan-daan libo pang kababaihan, at maging kalalakihan, ang nagprotesta sa New York, Los Angeles, Chicago, Boston, Denver, Dallas, San Francisco, St. Louis, at iba pang lugar upang pagalitan si Trump sa unang buong araw niya sa puwesto.

Ginalit ni Trump ang maraming Amerikano sa mga komento niyang nang-aalipusta sa kababaihan, mga Mexican at Muslim.

Nangangamba sila sa kanyang inaugural vow noong Biyernes na “America first”.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa ibang panig ng mundo, nagmartsa rin ang kababaihan bilang pakikisimpatiya at pagpapakita ng galit sa daan-daang lungsod, na umabot sa kabuuang mahigit 4 na milyon, ayon sa organizers.

Nagsimula ang binansagang The Women’s March sa simpleng Facebook post ng isang lola sa Hawaii, ang retired lawyer na si Teresa Shook, sa halos 40 nitong kabigan – ngunit mabilis na kumalat at naging isang malaking tagpo noong Sabado.

Nakiisa sa rally sa Washington ang ilang bigating politiko gaya ni dating secretary of state John Kerry, na dala pa ang alagang aso, at celebrities na sina Madonna at Amy Schumer.

Sinabi ni Pam Foyster, residente ng Ridgway, Colorado, ang martsa sa Washington ay nagpaalala sa kanya sa mass protests noong 1960s at ‘70s laban sa Vietnam War.

“I’m 58 years old, and I can’t believe we are having to do this again,” ani Foyster.